Sa SONA 2025, hinahamon ng Panaghiusa si Marcos Jr. na panagutan ang mga paglabag sa Katutubo
- Panaghiusa Philippine Network
- Jul 28
- 4 min read
Updated: Jul 28
Ngayong ika-apat na State of the Nation Address, nananawagan ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kilalanin at tugunan ang tunay na kalagayan ng bansa, partikular ng mga Katutubo. Kinokondena namin ang patuloy na legasiya ng pagsasamantala, panunupil, at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang pamumuno. Sa halip na isulong ang inklusibong kaunlaran, pinalalala ng mga polisiya ni Marcos Jr. ang karahasan at sapilitang pagpapaalis sa mga Katutubong komunidad, habang pinapadali ang bentahan ng lupang ninuno sa dayuhang negosyo at korporasyon.

“Hindi natin dapat kalimutan na si Marcos Jr. ay hindi naiiba kay Duterte. Pareho silang nakatuon sa kapangyarihan at kita habang ang mga Katutubo ay patuloy na nagdurusa sa kahirapan, sapilitang pagpapaalis, at tuloy-tuloy na militarisasyon,” pahayag ni Beverly Longid, isang Bontok-Kankanaey at Co-convenor ng Panaghiusa.
Sa ikatlong taon ng administrasyon, walang senyales ng pagbabago mula sa mapanupil na kalakaran ng panahon ni Duterte. Bagkus, tumitindi ang mga ulat ng panliligalig, gamit ang batas kontra-terorismo upang patahimikin at kriminalisahin ang katutubong paglaban.
Mariing tinututulan ng Panaghiusa ang patuloy na pag-iral ng Executive Order No. 70 at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na ginagamit sa red-tagging, pagtatalaga na terorista, at pag-usig sa mga Katutubo sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Ang maling pagkakakulong sa Talaingod 13, ang mga kasong may kaugnayan sa terrorism financing laban kina Marcylyn Pilala at Alaiza Lemita, at ang arbitraryong pagtalaga sa mga lider ng Cordillera Peoples Alliance bilang terorista ay ilan lamang sa mga halimbawa ng paggamit ng batas para supilin ang katutubo.
“Magkakapareho ang sitwasyon ng kahirapan at panunupil sa mga Katutubo. Mula sa kabundukan ng Kalinga hanggang sa kapatagan ng Sultan Kudarat, binobomba ang aming komunidad, pinapatay ang aming kabataan, at dinadakip o kinukulong ang aming mga lider. Dapat panagutin si Marcos Jr.,” iginiit ni Longid.
Sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr., iniulat ng Karapatan ang 129 kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang at 15 sapilitang pagkawala—kabilang ang mga lider at kabataang Katutubo. Itinataguyod bilang operasyon kontra-insurhensiya, pinatay ang mga kabataang Mangyan-Hanunuo na si Jay-El Maligday at Manobo-Dulangan na si Kuni Cuba. Dinukot sina Bontok-Ibaloi-Kankanaey Dexter Capuyan at tagapagtaguyod ng karapatang pantao na si Bazoo De Jesus sa kabila ng pagsisikap ng pamilya, abogado, at tagapagtanggol ng karapatan.
Sa BARMM, 84 Non-Moro Indigenous Peoples ang napatay, kabilang ang 12 lider, 7 kabataan, at 7 kababaihan. Sa kabila ng nakakaalarmang bilang, wala pang napapanagot. Hinaharap ng mga pamilya ang bantang panganib, kakulangan ng rekurso, at kawalan ng tiwala sa hustisya na pumipigil sa kanila na magsampa ng kaso.
Sa kasalukuyan, may 109 dokumentadong bilanggong pulitikal mula sa hanay ng Katutubo at advocates. Sa ilalim ni Marcos Jr., hindi bababa sa 22 ang dinakip at nananatiling nakakulong. Ilan sa mga kaso ay sina Rocky Torres, Avelardo Avellaneda, at Mario Juan na mga Dumagat, at mga advocate kagaya nina Raymart Moneda, Aldeem Yanez, at Romeo Binayon. Ipinapakita ng mga pag-aresto ang sistematikong kriminalisasyon ng Katutubo at ng mga gawaing pakikiisa sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.
“Sinasabi ni Marcos Jr. ang pag-unlad ng ekonomiya, ngunit kapalit nito ay ang pagnanakaw sa aming lupang ninuno. Hindi kami kontra sa kaunlaran. Sa katunayan, nananawagan kami ng tunay na kaunlaran. Tinututulan namin ang mga paglabag sa karapatang pantao at pagsira sa aming lupang ninuno na kaakibat ng tinatawag nilang ‘kaunlaran’,” giit ni Longid.
Sa likod ng mga karahasang ito ay ang malalaking proyektong pang-kaunlaran na ipinatupad nang walang tunay na Free, Prior, and Informed Consent (FPIC). Aktibong isinusulong ni Marcos Jr. ang pagmimina, renewable energy zones, at forest carbon projects sa mga lupang ninuno. Kabilang dito ang $76.4 milyon na pondong pamahalaan para sa Makilala Mining Company na pagmamay-ari ng mga Australyano, na planong mag-operate sa teritoryo ng mga Katutubo sa Kalinga.
Sa Palawan, sapilitang pinalalayas ang mga komunidad ng Molbog at Cagayanin sa Marihangin Island para sa isang eco-tourism project ng San Miguel Corporation’s Bricktree Properties Inc. Mula Hunyo 2024, ginugulo ng mga armadong pwersa ang mga residente at giniba ang mga bahay sa kabila ng nakabinbing CADT application. Kinokondena ito ng mga Katutubo bilang land grabbing na pinapakita bilang “berdeng” kaunlaran.
Samantala, sa Mindoro, 29 magsasakang Iraya-Mangyan ang inaresto sa Hacienda Almeda noong Oktubre 2024, sa kabila ng paborableng desisyon ng Department of Agrarian Reform sa kanilang pag-aari sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Sa tulong ng mga pwersa ng estado, patuloy na hinaharang ng pamilya Almeda ang pamamahagi ng lupa sa pamamagitan ng pananakot, sapilitang pagpapaalis, at pagharang ng pagkain.
“Nananawagan kami sa bagong halal na Kongreso at Senado na bigyang prayoridad ang Indigenous Peoples’ Agenda. Hindi ito simpleng talaan ng mga kahilingan. Isa itong kagyat at matagal nang panawagan para sa hustisya at karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya,” diin ng co-convenor.
Ibasura ang EO 70 at buwagin ang NTF ELCAC. Magpatupad ng mga proyektong pangkaunlaran na pinamumunuan ng Katutubo at tugunan ang ugat ng armadong tunggalian.
Ipanagot ang estado at igalang ang International Humanitarian Law, mga kasunduan sa karapatang pantao, at lokal na batas.
Ituring na agarang prayoridad ang panukalang batas na magpaparusa sa red-tagging at pagturing bilang terorista sa Katutubo.
Ipasa ang Human Rights Defenders Bill, na kinikilala ang proteksyon sa mga tagapagtanggol ng Katutubong karapatan.
Isabatas ang People's Mining Bill o Alternative Minerals Management Bill bilang alternatibo sa bulok na Philippine Mining Act of 1995.
Ipatigil ang pagtatayo ng malalaking dam sa lupang ninuno. Itigil ang Kaliwa Dam, Jalaur Dam, Gened 2 Dam, at iba pa.
Imbestigahan at suriin ang mga paglabag sa karapatan ng Katutubo sa lupa, at hamunin ang pamahalaan at mga transnational corporations na sumunod sa internasyonal na batas at kasunduan, kabilang ang rights-based business practices.
“Nananawagan kami ng pananagutan para sa bawat bombang ibinagsak sa aming lupang ninuno, sa bawat batas na ginamit para patahimikin kami, at sa bawat ektarya ng lupang ninakaw. Dapat managot ang rehimeng Marcos sa paglabag nito sa karapatan ng mgaKatutubo,” pagtatapos ng co-convenor.
Sanggunian:
Beverly Longid
Co-convenorPanaghiusa
Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights

Comments