top of page
Search

Sa araw ng mga Katutubo, Panaghiusa nananawagan sa publikong tumindig para sa mga Katutubo; itigil ang mga atake

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • Aug 9
  • 3 min read

Ngayong ika-9 ng Agosto, nakikiisa ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples' Rights sa mga Katutubong komunidad sa buong mundo sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo. Ang pagdiriwang ngayong taon ay hindi lamang pagpupugay sa mayamang kultura at katatagan ng mga Katutubo, kundi isang panawagan para sa pagkilos sa gitna ng lumalalang banta sa kanilang lupa, buhay, at likas-yaman.


Nagtitipon ang mga Katutubo, advocates, taong simbahan, at human rights defenders sa Maryhill School of Theology sa Quezon City upang gunitain ang Pandaigdigang araw ng mga Katutubo, ika-9 ng Agosto 2025. Muli nilang iginigiit: Itaguyod ang mga karapatan ng mga Katutubo!
Nagtitipon ang mga Katutubo, advocates, taong simbahan, at human rights defenders sa Maryhill School of Theology sa Quezon City upang gunitain ang Pandaigdigang araw ng mga Katutubo, ika-9 ng Agosto 2025. Muli nilang iginigiit: Itaguyod ang mga karapatan ng mga Katutubo!

Sa buong Pilipinas, patuloy na nakararanas ang mga Katutubong komunidad ng sistematikong marginalisasyon, pang-aagaw ng lupa, at militarisasyon. Sa Mindoro, ang pagpaslang sa magsasakang si Juan Sumilhig ng 4th Infantry Battalion sa San Jose, at ang kasunod na operasyong militar sa Roxas, Oriental Mindoro, ay naglalagay sa mga Katutubo sa matinding panganib. Nilalabag ng mga atakeng ito ang mga pangunahing prinsipyo ng Pandaigdigang Makataong Batas (International Humanitarian Law o IHL), na nagtatanggol sa mga sibilyan at sa mga hindi na lumalahok sa labanan sa panahon ng armadong tunggalian. Nakaugat sa Geneva Conventions ng 1949, ipinagbabawal ng IHL ang pag-atake sa mga sibilyan at inaatasan ang lahat ng panig sa tunggalian na mag-ingat upang maiwasan ang pinsala sa mga non-combatant. Ang patuloy na militarisasyon sa mga lupang ninuno ay nagpapakita ng mas malawak na padron ng kawalan ng pananagutan at pagwawalang-bahala sa karapatan ng mga Katutubo.


“Hindi ito mga hiwalay na insidente. Ang mga lider at tagapagtanggol ng Katutubong karapatan ay nirered-tag, ginigipit, at ikinukulong sa gawa-gawang kaso. Target ang mga guro ng Lumad at mga organisador ng komunidad, sinasara ang mga paaralan, at dinadambong ng mga mapangwasak na industriya ang mga lupang ninuno,” pahayag ni Rikki Mae Gono, Pambansang Tagapag-ugnay ng Panaghiusa.

Ang pag-aresto sa aktibistang Manobo na si Julieta Gomez at tagapagtanggol ng karapatang Katutubo na si Niezel Velasco ay sumasalamin sa tangkang patahimikin ang Katutubong paglaban. Matapos ang halos apat na taon ng hindi makatarungang pagkakakulong, ang kanilang paglaya ay patunay ng lakas ng kolektibong adbokasiya at paninindigan sa batas.


Sa Palawan, patuloy na ipinagtatanggol ng mga Molbog at Cagayanen ang kanilang lupang ninuno laban sa sapilitang pagpapalayas at mga proyektong ekoturismo. Sa tulong ng mga taong simbahan at ng civil society, muling nananawagan ang kanilang komunidad para sa pagkilala sa kanilang domain claims at sa pag-alis ng mga pribadong armadong grupo sa kanilang lugar.


“Ang mga tagumpay na ito ay paalala na buhay ang Katutubong paglaban—at patuloy itong lumalakas. Ngunit nananatili ang mga banta. Mula Cordillera hanggang Mindanao, humaharap ang mga Katutubo sa militarisasyon, pang-aagaw ng lupa, at paggamit ng batas bilang sandata laban sa kanila,” dagdag ni Gono. “Ang pananahimik ng administrasyong Marcos Jr. sa mga isyung ito, maging sa kanyang huling State of the Nation Address, ay nagpapakita ng kagyat na pangangailangan para sa pagkakaisa at pagkilos.”

Nananawagan ang Panaghiusa sa pamahalaan ng Pilipinas na tuparin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP), at mga pandaigdigang pamantayan sa makataong batas.


“Hinahamon namin ang civil society, midya, at mga pandaigdigang kaalyado na palakasin ang tinig ng mga Katutubo, manawagan ng pananagutan, at manindigan laban sa patuloy na mga atake,” pagtatapos ni Gono.

Ang Panaghiusa ay nangangahulugang pagkakaisa. At sa pagkakaisa, tayo’y nagdiriwang, tayo’y lumalaban. #



Sanggunian:

Rikki Mae Gono

Pambansang Tagapag-ugnay

Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights


Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page