Mga Katutubo nagpulong kasama ang UN Country Team, diplomatic corps; nananawagan ng pananagutan ng estado sa mga paglabag sa karapatang pantao, FPIC, IHL
- Panaghiusa Philippine Network
- Oct 29
- 4 min read
[ENGLISH] Indigenous Peoples hold briefings with UN Country Team, diplomatic corps; call for state accountability over HR, FPIC, IHL violations
Tatlumpu’t dalawang kinatawan mula sa 18 organisasyon ng mga Katutubo at advocates mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang nagtipon noong Oktubre 23, 2025, kasama ang mga miyembro ng United Nations (UN) Country Team at ilang kinatawan ng mga embahada upang talakayin ang lumalalang kalagayan ng mga Katutubo sa bansa.

Ang mga pagpupulong, na inorganisa ng Panaghiusa at ng UN Office of the High Commissioner on Human Rights, ay nagbigay ng pinakabagong ulat sa kalagayan ng mga Katutubo. Binigyang-diin din ng mga Katutubo ang mga paglabag sa karapatang pantao, Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), at International Humanitarian Law (IHL), kasunod ng tumitinding militarisasyon, pambobomba, at pamamaril sa mga komunidad ng mga Katutubo.
Mga Pangunahing Usapin na Nangangailangan ng Agarang Aksyon
Bilang tugon sa lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa mga komunidad ng mga Katutubo, nanawagan ang mga Katutubo sa UN Country Team at sa diplomatic community na suportahan ang kanilang mga panawagan.
Tungkol sa Pananagutan at Proteksyon sa Karapatang Pantao. Nanawagan ang mga delegado ng pananagutan mula sa mga pangunahing salarin ng karahasan ng estado at mga paglabag sa karapatang pantao at IHL laban sa mga Katutubo at advocates. Panawagan nila ang agaran, independent, at transparent na imbestigasyon sa mga sumusunod:
Pagpatay kina Kuni Kuba at Elioterio Ugking sa Mindanao, Jay-El Maligday sa Mindoro, at humigit-kumulang 102 Non-Moro Katutubo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao
Sapilitang pagkawala nina Bontok-Ibaloi-Kankanaey Dexter Capuyan at tagapagtaguyod Bazoo De Jesus
Militarisasyon sa Mindoro at iba pang komunidad ng mga Katutubo
Paggamit ng mga batas tulad ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act at Anti-Terrorism Law laban sa mga Katutubo
Kriminalisasyon ng mga Katutubo, kabilang ang Molbog sa Palawan
Nanawagan din ang mga delegado ng agarang pagbabasura ng mga gawa-gawang kaso at pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na Katutubo, kabilang ang mga Dumagat na sina Rocky Torres at Avelardo Avellaneda.
Tungkol sa Reporma sa Batas at Patakaran. Iginiit ng mga kalahok ang pangangailangan ng mga batas na tunay na tumutugon sa ugat ng mga paglabag sa karapatan. Panawagan nila ang:
Pagpapasa ng People’s Mining Bill at Human Rights Defenders Bill upang maprotektahan ang lupain, likas-yaman, at tagapagtanggol ng mga Katutubo
Pagpawalang-bisa sa Anti-Terrorism Law at Executive Order No. 70, at pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at National Commission on Indigenous Peoples
Makabuluhan at direktang partisipasyon ng mga kababaihang Katutubo sa pagbuo, pagpapatupad, at pagsubaybay ng mga pambansa at rehiyonal na patakaran sa proteksyon ng bata at pagtigil sa karahasang batay sa kasarian
Tungkol sa Kaunlaran at Karapatang Magpasya. Binigyang-diin ng mga Katutubo ang kagyat na pangangailangan na itaguyod ang kanilang karapatan sa FPIC. Nilinaw ng mga komunidad na hindi sila tutol sa kaunlaran, ngunit iginiit ang karapatan sa FPIC at sariling pagpapasya upang matiyak ang kanilang tunay na partisipasyon sa mga desisyong may epekto sa kanilang lupang ninuno at pamumuhay. Nanawagan silang itigil ang mga mapanirang proyekto sa lupang ninuno tulad ng Crescent Mining sa Mankayan, Itogon-Suyoc Resources, Inc. sa Itogon, Yamang Mineral sa Abra, Makilala Mining sa Kalinga, Kaliwa Dam sa Rizal at Quezon, Upper Tabuk Hydropower Projects at Saltan Dams sa Kalinga, Gened Dams sa Apayao, Pacific Coast City sa Quezon, at agri-business plantations sa North Cotabato.
Binigyang-diin din ng mga delegado na ang tunay na solusyon sa klima at enerhiya ay dapat makatarungan, inklusibo, at nakabatay sa karapatan, na kinikilala ang mga Katutubo bilang tagapangalaga ng biodiversity at mahalagang katuwang sa pagkamit ng makatarungan, mapayapa, at patas na transisyon.
Panawagan para sa Pananagutan ng Estado
Nanawagan ang Panaghiusa sa UN Country Team at diplomatic community na maglabas ng pahayag ng pagkabahala sa kalagayan ng mga Katutubo sa Pilipinas, batay sa mga kasong inilahad. Nanawagan sila na suportahan ng UN Country Team at diplomatic community ang mga panawagan para sa pananagutan at pagsasagawa ng mga independent investigation sa lahat ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao at IHL.
Nanawagan din ang Panaghiusa sa UN Country Team at diplomatic community na suportahan ang pagpapatupad ng UN Declaration on the Rights of Indigenous Peoples. Iginiit ng mga delegado ang kagyat na pangangailangan na palakasin ang mga programa ng proteksyon para sa mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubo, na patuloy na nakararanas ng panliligalig, kriminalisasyon, at karahasan dahil sa kanilang adbokasiya.

Ang pakikipag-ugnayan ng Panaghiusa sa UN Country Team at mga kinatawah ng embahada ay nagpapakita ng kanilang matibay na paninindigan sa pagtatanggol sa karapatan ng mga Katutubo, kabilang ang ganap na pagpapatupad ng General Recommendation No. 39 sa ilalim ng Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women at ang pag-reverse ng di-makatarungang hatol sa Talaingod 13.
Ang mga pagpupulong na ito ay mahalagang hakbang sa pagpapahayag ng mga usapin ng mga Katutubo sa mga pandaigdigang mekanismo ng kooperasyon. Nanawagan ang network sa internasyonal na komunidad na isalin ang pagkakaisa sa tuloy-tuloy na aksyon, na tumutugma sa mga patakaran at adbokasiya para sa pagtatanggol at proteksyon ng karapatan ng mga Katutubo.
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
Pambansang Tagapag-ugnay
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights



















Comments