top of page
Search

Tumindig kasama ang Katutubong Kababaihan. Itaguyod ang Karapatan ng mga Katutubo!

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • Mar 10
  • 3 min read

Ngayong Buwan ng Kababaihan, nagpupugay ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights sa tapang ng mga Katutubong kababaihan na nasa unahan ng pakikibaka. Ipinapakita ng kanilang mga karanasan ang nagsasalikop na karahasan ng pang-aapi ng gobyerno at pagsasamantala ng mga korporasyon at itinatampok ang lakas ng sama-samang paglaban.


Ang mga Katutubong kababaihan, advocates at human rights defenders noong briefings kasama ang UN Offices at diplomatic community, Oktubre 2025.
Ang mga Katutubong kababaihan, advocates at human rights defenders noong briefings kasama ang UN Offices at diplomatic community, Oktubre 2025.

Ang mga Katutubong kababaihan ay tagapagtanggol ng mga lupang ninuno, tagapag-ingat ng kultura, at tagapag-aruga ng mga pamayanan. Ngunit sila rin ay kabilang sa mga kriminalisado, tinatakot, sapilitang pinalalayas, at pinatatahimik.


Nakikiisa kami sa kabataang Lumad na si Michelle Campos, sa tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Katutubo na si Loida Magpatoc, at sa iba pang mga bilanggong pulitikal na Katutubong kababaihan sa hanay ng 108 na dokumentadong Katutubo at advocates na di-makatarungang ikinulong. Kinokondena namin ang pagtatalaga ng terorista sa mga lider ng Cordillera Peoples Alliance, kabilang sina Sarah Alikes at Jennifer Awingan, na ginawang target dahil lamang sa kanilang matatag na pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan.


Kinokondena rin namin ang pananakot, pangha-harass, at iligal na pag-aresto sa mga Katutubong kababaihan sa Dupax del Norte, kung saan sila’y tumindig sa barikada ng mamamayan laban sa Woggle Mining Corporation, hinarap ang pulisya upang ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno. Sa Maguindanao del Sur, ang karahasan laban sa mga Non-Moro Indigenous Peoples, partikular sa Teduray at Lambangian, ay lubhang nakapaminsala. Ayon sa Timuay Justice and Governance, mula 2014, humigit-kumulang 102 Non-Moro Indigenous Peoples na ang pinatay, kabilang ang mga lider, kababaihan, at kabataan.


Ang pag-atake sa mga Katutubong kababaihan ay isinasagawa rin sa pamamagitan ng pandarambong ng korporasyon at pang-aagaw ng lupa. Sa Mindoro, lumalaban ang mga Kababaihang Mangyan at kanilang mga pamayanan laban sa pagsakop ng Pieceland Corporation. Sa Palawan, tinututulan ng mga Molbog ang pagtatangka ng San Miguel Corporation na palayasin sila para sa mga proyektong pang-agribisnes at imprastruktura. Ang mga laban na ito ay magkakaugnay at nagpapakita kung paanong itinuturing ng mga korporasyon na kalakal ang lupang ninuno, na binabalewala ang buhay at kulturang nakaugat dito.


Sa Lake Sebu, South Cotabato, iniulat ng Teduray-Lambangian Youth at Lilak Purple Action for Women’s Rights na ang mga kababaihang Taboli Manobo ay nakararanas hindi lamang ng pagkasira ng kalikasan mula sa pagmimina at plantasyon, kundi pati ng karahasang sekswal, pangha-harass, at pagsasamantala mula sa mga manggagawa ng mga subsidiary ng San Miguel Corporation at mga plantasyon gaya ng Sumifru Corporation.


Sa iba pang mga probinsya, tumitindig ang mga Katutubong kababaihan at kanilang mga pamayanan laban sa mapanirang pagmimina at proyektong dam. Sa Apayao, ipinagtatanggol nila ang kanilang lupang ninuno laban sa Gened Dams. Sa Rizal at Quezon, tinututulan nila ang Kaliwa-Kanan-Laiban Dams. Sa Panay, lumalaban sila sa Jalaur Dam. Sa General Nakar, Quezon, at Aurora, kinokondena nila ang Pacific Coast City project na nagbabalak magtayo ng siyam na lungsod na sasakop sa 80,000 ektarya ng lupang ninuno. Sa Cordillera, tinututulan ng mga Katutubong kababaihan ang Crescent Mining sa Mankayan, ISRI sa Itogon, Yamang Mineral sa Abra, at Makilala Mining sa Kalinga. Sila rin ay lumalaban sa Upper Tabuk Hydropower Projects at Saltan Dams sa Kalinga, na nagbabanta sa pagpapalayas ng mga pamayanan at pagkasira ng lupang ninuno.


Bawat laban na ito ay nagpapakita kung paanong ang tinatawag na “kaunlaran” ay nagbubura ng mga pamayanan, kultura, at ekosistema alang-alang sa tubo, habang ang mga Katutubong kababaihan ay tumitindig upang ipagtanggol ang mismong buhay.


Bitbit ng mga Katutubong kababaihan ang bigat ng pagpapalayas, militarisasyon, at kriminalisasyon, ngunit patuloy silang bumabangon. Inaalagaan nila ang mga pamayanan, pinananatili ang paglaban, at isinasakatawan ang sama-samang kalooban na mabuhay at umunlad. Ang kanilang paglaban ay hindi lamang para sa kanilang sarili, kundi para sa susunod na henerasyon at para sa kaligtasan ng ating mga mamamayan. Ang kanilang tapang sa barikada, sa korte, sa bukid, at sa lansangan ay panawagan sa ating lahat na putulin ang tanikala ng panunupil, buwagin ang mga sistemang mandarambong, at magtayo ng kinabukasang nakaugat sa katarungan at sariling pagpapasya.


Ngayong Buwan ng Kababaihan, kami ay nangakong paaalingawngawin ang tinig ng mga Katutubong kababaihan, ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan, at makikibaka kasama nila. Sa gitna ng kanilang tapang, kailangan nating makiisa. Ang kanilang laban ay ating laban. Ang paggalang sa mga katutubong kababaihan ay ang pakikipaglaban kasama nila. Ang pagdiriwang sa kanilang lakas ay ang pagharap sa mga puwersang nagnanais na patahimikin sila.

Nanawagan kami sa mga pamayanan, organisasyon, at allies na manindigan kasama ang mga Katutubo. Suportahan natin ang kanilang mga kampanya, ipagtanggol ang kanilang mga lupain, ilantad ang pang-aabuso ng estado at korporasyon, at bumuo ng mga ugnayang pakikiisa na lumalampas sa mga hangganan. Gawin nating aksyon ang dalamhati, paglaban ang pagkagalit, at tagumpay ang pakikiisa. Ang pakikibaka ng mga Katutubong kababaihan ay pakikibaka ng lahat ng Pilipino na nangangarap ng katarungan, kalayaan, at dignidad para sa kasalukuyan at sa mga susunod na henerasyon. #


Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page