top of page
Search

53 taon ang lumipas, nagpapatuloy ang atake laban sa Katutubo; Panaghiusa nananawagan ng pananagutan sa mga paglabag sa karapatan

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • 6 days ago
  • 3 min read

Limampu’t tatlong taon matapos ideklara ang Batas Militar sa Pilipinas ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr., inaalala natin ang libu-libong tinortyur, sapilitang pinawala, at pinaslang sa ilalim ng kanyang diktadura. Kabilang dito ang mga lider, nakatatanda, at kabataang Katutubo na buong tapang na ipinagtanggol ang kanilang lupang ninuno laban sa militarisasyon, pagtotroso, pagmimina, at karahasang suportado ng estado.


Noong komemorasyon ng Martial Law, nagmartsa sa lansangan ang mga Katutubo at advocates bitbit ang mga panawagan para sa lupang ninuno at mga Katutubong karapatan. Kuha ni KR Abalos.
Noong komemorasyon ng Martial Law, nagmartsa sa lansangan ang mga Katutubo at advocates bitbit ang mga panawagan para sa lupang ninuno at mga Katutubong karapatan. Kuha ni KR Abalos.

Nakikiisa ang Panaghiusa sa lahat ng komunidad ng Katutubo na patuloy na nagdurusa sa pamana ng Batas Militar. Ang parehong mga anyo ng panunupil ay nagpapatuloy hanggang ngayon: red-tagging, militarisasyon, pandarambong sa lupang ninuno, at kriminalisasyon ng paglaban ng mga Katutubo. Ang naitalang 100 bilanggong pulitikal mula sa mga Katutubo, kabilang ang mga Dumagat na sina Rocky Torres at Avelardo “Dandoy” Avellaneda, ay malinaw na patunay ng nagpapatuloy na inhustisya.


Bilang mga nasa unahan sa pagtatanggol ng kanilang lupang ninuno at kalikasan, sila ang pinakatinatarget at pinatatahimik. Ang panunupil sa kanila ay nakaugat hindi lamang sa militarisasyon kundi pati na rin sa pagtingin ng estado sa kanilang lupain bilang kalakal para sa tubo.

Inaalala rin natin ang Proyektong Chico River Dam noong diktadura ni Marcos Sr. Ang dam na ito ay maglulubog sana sa mga lupang ninuno ng Kalinga at Bontok sa kahabaan ng Ilog Chico, isang 175-kilometrong ugat ng buhay mula Mountain Province hanggang Cagayan River. Noong 1980, si Macliing Dulag, isang iginagalang na lider ng Kalinga, ay pinaslang ng mga sundalo dahil sa kanyang pagtutol sa proyekto.


Ngayon, nagpapatuloy ang mga proyektong ito sa ilalim ng parehong interes na nakatuon sa tubo at madugong “clearing operations.” Itinutulak ng administrasyong Marcos Jr. ang tinatawag na “renewable energy” sa pamamagitan ng hydropower, kung saan ipinapa-auction ang mga ilog ng Cordillera sa mga pribado at dayuhang kumpanya. Ang Chico River Hydropower Project, na pinamumunuan ng San Lorenzo Ruiz Piat Energy and Water, Inc., ay nangangakong magbibigay ng 150 megawatts ngunit kapalit nito ang malawakang pagpapalayas, pagkakalbo ng kagubatan, at pagkasira ng ekosistema. Tulad ng naranasan noong Bagyong Ulysses noong 2020 nang magpakawala ng tubig ang Magat Dam na lumubog sa 60 bayan at nagpalikas ng mahigit 300,000 katao, ang ganitong mga proyekto ay naglalagay sa panganib sa halip na nagpoprotekta ng buhay, lalo na sa mga komunidad ng Katutubo sa Kalinga at karatig na rehiyon.


Sa halip na protektahan ang mga komunidad, ang estado ay nagbibigay ng mga tax break, pinapabilis ang mga permit, at naglalaan ng proteksyong militar para sa mga korporasyon. Sa katunayan, ginagamit ang AFP upang hatiin at supilin ang mga komunidad ng Katutubo at pilitin silang suportahan ang mga proyektong ito.


Nanawagan kami sa sambayanang Pilipino na kondenahin ang mga paglabag sa karapatang pantao at karapatan ng mga Katutubo na ginagawa ng mga pwersa ng estado. Ipinapanawagan namin ang pananagutan sa mga krimen laban sa sambayanang Pilipino noon at ngayon. Nanawagan kami para sa pagpapalaya ng lahat ng bilanggong pulitikal mula sa mga Katutubo, pagbabasura ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, paglilitaw sa lahat ng Desaparecidos, pagbabasura ng mga mapanupil na batas gaya ng Anti-Terrorism Law, pagpapatigil ng mga mapanirang proyekto sa lupang ninuno, at pagpapatigil ng militarisasyon at pambobomba ng Armed Forces of the Philippines sa mga komunidad.



Sanggunian:


Rikki Mae Gono

Pambansang Tagapag-ugnay

Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples Rights


Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page