Panaghiusa nananawagang palayain ang mga inarestong tagapagtanggol ng barikada sa Dupax, labanan ang hudisyal na panunupil, panggigipit
- Panaghiusa Philippine Network
- 3 days ago
- 2 min read
Anim (as of 1:56 PM, January 23, 2026) na Katutubong kababaihan at tagapagtanggol ng barikada ng mamamayan sa Keon, Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang inaresto ng Philippine National Police sa bisa ng utos ng Regional Trial Court Branch 30. Apat sa kanila ang dinala sa presinto habang ang dalawa naman na nasa ospital ay idineklara rin ng mga pulis na arestado.
Ang hakbang na ito ng panunupil ay hindi hiwalay na pangyayari kundi bahagi ng sistematikong kampanya upang patahimikin ang mga Katutubo, magsasaka, at residente na ipinagtatanggol ang kanilang lupa laban sa malakihang mapanirang proyekto.

Mariing kinokondena ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ang judicial and police assault na ito. Ang barikada sa Dupax del Norte ay lehitimo at kinakailangang anyo ng pagtatanggol. Isa itong kolektibong paninindigan laban sa eksplorasyong pagmimina ng Woggle Mining Corporation na nagbabanta sa pagpapalayas ng mga komunidad, pagkasira ng ecosystem, at pagbura sa kaalaman at sistemang Katutubo. Ang barikada ay buhay na pagpapahayag ng soberanya, isang ugat ng demokrasya mula sa masa, at makapangyarihang paalala na ang mamamayan mismo ang tunay na tagapag-ingat ng kanilang lupa.
Ang utos ng korte na nagpapahintulot ng warrantless arrests at kasong kriminal laban sa mga lumalaban ay nagpapakita ng malalim na sabwatan ng mga institusyon ng estado at interes ng korporasyon. Sa paglalagay ng depensa ng komunidad bilang “obstruction” at paglaban bilang “disorder,” sinusubukan ng hudikatura at pulisya na ipawalang-bisa ang pakikibaka ng mamamayan at gawing simpleng pagsuway sa awtoridad ang kanilang tapang. Ngunit ang tunay na sumisira sa kapayapaan ng publiko ay hindi ang barikada, kundi ang paglabag sa karapatan ng mamamayan, ang marahas na pagpapalayas sa mga komunidad, ang pagpatahimik sa pagtutol, at ang pagpipilit ng mga proyektong hindi kailanman pinahintulutan ng mamamayan. Ang nagdadala ng kahihiyan sa hudikatura ay ang sarili nitong pakikipagsabwatan sa pang-aagaw ng lupa at militarisadong pagpapatupad.
Ang barikada sa Dupax del Norte ay bahagi ng mahabang pakikibaka ng mga Katutubo at magsasaka sa buong Pilipinas. Nakaugat ito sa karapatan sa free, prior, and informed consent, sa konstitusyunal na garantiya ng karapatan sa lupang ninuno, at sa pandaigdigang kinikilalang karapatan sa sariling pagpapasya. Ang kriminalisasyon sa ganitong mga aksyon ay kriminalisasyon sa pagtatanggol ng buhay mismo. Ang pag-aresto sa mga tagapagtanggol ay pag-aresto sa kinabukasan ng mga komunidad na hindi maipagpapalit sa tubo.
Matatag na nakikiisa ang Panaghiusa sa mamamayan ng Dupax del Norte. Pinagtitibay namin na ang kanilang barikada ay lehitimo, matapang, at kinakailangang kolektibong pagtatanggol. Ipinapanawagan namin ang agarang pagpapalaya sa mga inaresto, ang pagtigil sa panggigipit at pananakot sa komunidad, at ang pagkilala sa karapatan ng mamamayan na labanan ang mga mapanirang proyektong nagbabanta sa kanilang buhay.
Nanawagan kami sa lahat ng sektor at institusyon na makiisa sa mga residente ng Dupax del Norte, labanan ang hudisyal na panunupil, at igalang ang dangal at soberanya ng mga Katutubo at magsasaka sa buong Pilipinas. Ang barikada ng mamamayan ay lehitimong pagpapahayag ng karapatan ng mga Katutubo sa lupang ninuno at sariling pagpapasya, at isang pagtatanggol sa lupa, buhay, at mga susunod na henerasyon. #
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
Pambansang Tagapag-ugnay
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples' Rights


Comments