top of page
Search

Tutulan ang Mapanirang Pagmimina sa Dupax del Norte! Itaguyod and Karapatan ng mga Katutubo!

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • Jan 18
  • 5 min read

Mahigpit na nakikiisa ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights sa mga Katutubo at magsasaka ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, na patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang lupain sa pamamagitan ng barikada ng mamamayan sa gitna ng tumitinding banta at panggigipit mula sa estado at pribadong interes.


Larawan mula sa Altermidya.
Larawan mula sa Altermidya.

Sa mga nagdaang araw, lalo pang tumindi ang sitwasyon sa barikada sa Barangay Bitnong. Iniulat ng mga residente ang pagdami ng presensiya ng pulisya, kabilang ang mga naka-unipormeng tauhan, na nakapuwesto malapit sa lugar at paulit-ulit na bumibisita sa mga lider-komunidad. May mga tangkang puwersahang pagpasok mula sa mga kinatawan ng kumpanya at mga operator ng kagamitan, kalakip ang panggigipit mula sa ilang lokal na opisyal na hinihikayat ang komunidad na “umatras” o “hayaan ang operasyon.” Ang mga hakbanging ito ay isinagawa nang walang tunay na konsultasyon, walang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) ng mga Katutubo, at tahasang paglabag sa kanilang kolektibong karapatan.



Hindi maihihiwalay ang mga insidenteng ito sa mas malawak na kasaysayan ng mga paglabag laban sa mamamayan ng Dupax del Norte. Noong Agosto 2025, pinagkalooban ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang Woggle Mining Corporation, isang UK-based subsidiary ng Metals Exploration Inc., ng exploration permit na sumasaklaw sa 3,100 ektarya sa mga barangay ng Bitnong, Inaban, Mungia, Parai, at Oyao. Ipinagkaloob ang permit na ito sa kabila ng mga hindi pa nareresolbang isyung pangkapaligiran at nang walang FPIC ng mga apektadong komunidad—isang malinaw na pagpapabaya sa mandato ng MGB at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).


Bilang tugon sa hindi makatarungang permit na ito, nagtayo ang mga residente at organisasyon ng barikada ng mamamayan noong Setyembre 17, 2025 upang igiit ang kanilang karapatang ipagtanggol ang lupang ninuno. Sa halip na tugunan ang mga lehitimong hinaing ng komunidad, lalo pang tumindi ang panunupil ng estado. Noong Oktubre 17, 2025, marahas na binuwag ang barikada sa utos ng Nueva Vizcaya Regional Trial Court Branch 30, na pinirmahan ni Judge Paul R. Attolba Jr., at ipinatupad ng mga pulis at mga indibidwal. Pumanig ang desisyon sa interes ng Woggle Mining Corporation at nagbanta ng contempt sa mga residente kung magpapatuloy ang kanilang paglaban.



Nagpatuloy ang panunupil noong Enero 13, 2026, nang ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) ang Writ of Preliminary Injunction, na muling nagbigay-prayoridad sa interes ng korporasyon kaysa sa karapatan ng mga Katutubo. Sa halip na tugunan ang mga makatwirang pagtutol ng komunidad sa kuwestiyonableng exploration permit, ginamit ang batas upang bigyang-katwiran ang pagpasok ng mga tauhan at kagamitan ng kumpanya sa lupang ninuno.


Iniulat din ng mga residente ang pagmamanman sa mga lider, pagbabanta ng kasong legal, at mga babala ng posibleng dispersal. Ang mga taktikang ito ay repleksiyon ng mas malawak na padron ng pananakot na nararanasan ng mga Katutubo na lumalaban sa land grabbing at mga mapanirang proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa kabila nito, nananatiling matatag ang komunidad, pinananatili ang barikada sa pamamagitan ng kolektibong pagbabantay, salit-salitang pagguwardiya, at pamumuno ng mga nakatatanda, kababaihan, at kabataan.


Ipinapakita ng mga pangyayaring ito na ang barikada sa Dupax del Norte ay hindi lamang tugon sa isang insidente, kundi isang depensa laban sa matagal nang sistemang nagtataguyod ng development aggression—isang sistemang inuuna ang tubo kaysa tao, at ang walang habas na pagkuha ng likas-yaman kaysa pangangalaga sa kalikasan. Ang paninindigan ng komunidad ay pagpapahayag ng sariling pagpapasya ng mga Katutubo, nakaugat sa kanilang kolektibong karapatan, pangangalaga sa lupang ninuno, at pananagutang ipagtanggol ang lupain para sa susunod na henerasyon.

Muling binibigyang diin ng Panaghiusa na nakaugat ang mga paglabag na ito sa mapanirang balangkas ng Philippine Mining Act of 1995, isang batas na nagbibigay ng malalawak na pribilehiyo sa malalaking dayuhan at lokal na korporasyon ng mina habang pinahihina ang karapatan ng mga Katutubo, mga proteksiyong pangkalikasan, at demokratikong partisipasyon. Sa halos tatlong dekada, pinayagan ng batas na ito ang agresibong pagpasok ng mga proyektong mina sa mga lupang ninuno, pinahina ang regulasyon, at ginawang lehitimo ang militarisasyon sa mga komunidad na lumalaban sa land grabbing. Mariing tinututulan ng Panaghiusa ang Mining Act of 1995 at nakikiisa sa panawagan ng mga Katutubo sa buong bansa para sa pagbasura nito at sa paglikha ng isang makatao, makakalikasan, at nakabatay-sa-karapatan na polisiya sa pagmimina na tunay na nagpoprotekta sa lupang ninuno at sa kinabukasan.



Kinilala ng Panaghiusa ang barikada ng mamamayan sa Dupax del Norte bilang bahagi ng malawakang kilusan ng paglaban ng mga Katutubo sa buong bansa. Ang mga komunidad na nagtatatag ng barakida ay pinagbubuklod ng magkakatulad na karanasan ng militarisasyon, pagpasok ng mga korporasyon, at kapabayaan ng estado, ngunit higit sa lahat, ng iisang paninindigang ipagtanggol ang kanilang lupain, kultura, at kinabukasan. Kaakibat nito ang mahabang kasaysayan ng pandarambong sa kalikasan sa Nueva Vizcaya, kabilang ang pinsalang dulot ng OceanaGold sa Didipio na isa pang halimbawa kung paanong nabigo ang mga institusyon ng estado na protektahan ang mga Katutubo at sa halip ay naglingkod sa interes ng mapanirang pagmimina.


Higit pa rito, ang barikada ng mamamayan sa Dupax del Norte ay isang mahalagang larangan ng hustisyang pangklima. Ang mga lupang nanganganib ay hindi bakanteng espasyong maaaring dambungin. Ito ay mga watershed, kagubatan, at ecosystem na bumubuhay sa buong komunidad at nagbibigay ng ambag sa climate resilience ng bansa. Ang pagtatanggol sa mga teritoryong ito ay hindi maihihiwalay sa pagtatanggol sa ating kolektibong kinabukasan.


Mariin naming kinokondena ang lahat ng anyo ng pananakot, pamimilit, at panggigipit na pinangungunahan o pinahihintulutan ng estado laban sa komunidad. Ang anumang pagtatangka na buwagin ang barikada o kriminalisahin ang mga tagapagtanggol nito ay paglabag sa mga karapatang konstitusyonal, sa Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), at sa pandaigdigang pamantayan sa karapatang pantao. Dapat gampanan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang tungkuling protektahan ang mga Katutubo at hindi maging instrumento ng mga interes sa pagmimina.



Nanawagan ang Panaghiusa sa mga lokal at pambansang awtoridad na agad itigil ang anumang hakbang na naglalagay sa panganib sa kaligtasan at karapatan ng mga komunidad sa Dupax del Norte. Hinikayat din namin ang mga organisasyong sibil, pandaigdigang institusyon, at mga mekanismo sa karapatang pantao na mahigpit na subaybayan ang sitwasyon at panagutin ang mga lumalabag sa karapatan. Ang laban ng komunidad ay nangangailangan hindi lamang ng pakikiisa kundi ng aktibong suporta laban sa patuloy na panghihimasok ng Woggle Mining Corporation at ng mga pwersang estado na nagtataguyod nito.


Ang barikada ng mamamayan sa Dupax del Norte ay buhay na patunay at paggigiit ng karapatan ng mga Katutubo sa lupang ninuno at sariling pagpapasya, pangangalaga sa komunidad, at pananagutang panghenerasyon. Ito ay patunay ng tapang ng isang mamamayang tumatangging sapilitang mapaalis, at paalala na ang pagtatanggol sa lupang ninuno ay pagtatanggol sa buhay mismo.

Muling pinagtitibay ng Panaghiusa ang buong suporta nito sa mga komunidad ng Dupax del Norte. Makatarungan ang kanilang laban. #



Sanggunian:


Rikki Mae Gono

Pambansang Tagapag-ugnay

Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples' Rights

Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page