Panaghiusa kinokondena ang mga atake ng estado laban sa Int’l Solidarity Mission; nanawagan na igalang ang karapatan ng mamamayan, IHL
- Panaghiusa Philippine Network
- Oct 14
- 2 min read
[ENGLISH] Panaghiusa raises alarm over state attacks vs. Int’l Solidarity Mission; calls to uphold human rights, IHL
Ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples' Rights ay nagpapaabot ng matinding pag-aalala at mariing pagkondena sa tumitinding banta, pananakot, at panggigipit na isinasagawa ng mga pwersa ng estado laban sa nagpapatuloy na International Solidarity Mission (ISM) sa Rizal, Occidental Mindoro, Negros Occidental, at Eastern Visayas. Ang mga atakeng ito ay tahasang pagtatangka upang supilin ang katotohanan, patahimikin ang paglaban, at hadlangan ang dokumentasyon ng matitinding paglabag sa karapatang pantao ng mga Katutubo at komunidad ng mga magsasaka.

Ngayong nasa ikatlong araw na, ang ISM ay nakapagtipon ng mga delegado mula sa lokal na lider-masa at mga pandaigdigang kaalyado upang masaksihan mismo ang epekto ng pang-aagaw ng lupa, pandarambong sa kalikasan, at militarisasyon sa mga komunidad sa kanayunan. Ito ay mga komunidad ng Katutubo kung saan laganap at sistematiko ang paglabag sa karapatang pantao at sa International Humanitarian Law (IHL).
Mula pa sa unang araw ng ISM, nakaranas na ang mga team ng surveillance, pananakot, at panggigipit. Lalong tumindi ang presensiya ng militar sa Abra de Ilog, Mindoro at Tanay, Rizal, kung saan nakapuwesto ang 76th at 80th Infantry Battalions ng Philippine Army malapit sa mga lugar ng ISM. Kabilang sa mga ulat ang drone surveillance, checkpoints, sapilitang paghingi ng impormasyon sa mga kalahok, at pakikipagsabwatan ng mga opisyal ng barangay sa mga elemento ng militar—mga taktika na layong maghasik ng takot at guluhin ang misyon.
Mariin naming kinokondena ang papel ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pag-oorganisa ng mga atakeng ito, na bahagi ng mas malawak na kampanya upang supilin ang paglaban ng mga komunidad sa mga mapanirang proyekto. Patuloy ang pagtutol ng mamamayan sa Kaliwa-Kanan-Laiban Dam projects na nagbabanta sa mga Dumagat-Remontado sa Rizal, sa pang-aagaw ng lupa para sa palm oil at solar farms sa Negros, sa Abra de Ilog Wind Project at kriminalisasyon ng mga Mangyan-Iraya sa Mindoro, at sa Cancabato Bay Causeway Project sa Tacloban na itinutulak ng mga elitistang pulitiko at interes ng korporasyon na naglalagay sa panganib sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Ang mga proyektong ito ay nababalot ng korapsyon, sapilitang pagpapalayas, at militarisasyon. Ito ay malinaw na paglabag sa karapatan ng mga Katutubo at sa IHL, kabilang ang hamletting, food blockade, ekstrahudisyal na pamamaslang, at sapilitang pagkawala.
Nanawagan kami sa pamahalaan na kagyat na itigil ang lahat ng anyo ng harassment at militarisasyon laban sa mga kalahok ng ISM at sa mga komunidad ng Katutubo. Nanawagan din kami sa mga internasyonal na institusyon ng karapatang pantao na magsagawa ng imbestigasyon at panagutin ang mga responsable sa mga paglabag. Dapat ding palakasin ng civil society, midya, at pandaigdigang network ng pagkakaisa ang tinig ng mga apektadong komunidad at ilantad ang sabwatan ng estado at mga korporasyon.
Ang Panaghiusa ay naninindigan sa matatag na pagkakaisa sa mga Katutubo at komunidad ng mga magsasaka. Patuloy naming lalabanan ang panunupil, ilalantad ang inhustisya, at ipaglalaban ang karapatan ng mga Katutubo sa kanilang lupang ninuno at sariling pagpapasya. #
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
Pambansang Tagapag-ugnay
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights


Comments