top of page
Search

Exploration Permit ng Woggle, Ibasura! Nueva Vizcaya, Depensahan!

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • 9 hours ago
  • 3 min read

Walang saysay ang suspensyon habang nagpapatuloy ang drilling operations. Dapat ibasura ang permit ng Woggle.


Mariing kinokondena ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ang patuloy na drilling operations ng Woggle Mining Corporation sa Dupax Del Norte, sa kabila ng pansamantalang suspensyon ng Exploration Permit No. EP00003011 ng Mines and Geosciences Bureau (MGB). Hungkag ang tinaguriang suspensyon na ito, sapagkat nagpapatuloy pa rin ang mapanirang aktibidad sa lupa.


Naidokumento ng mga residente na nagpapatuloy ang drilling activities sa lugar ng eksplorasyon. Walang opisyal na abiso ng suspensyon na naipaskil, at walang pormal na komunikasyon na natanggap ang mga apektadong kabahayan hinggil sa diumano’y pagtigil. Ipinapakita nito na hungkag ang suspensyon, sapagkat nabigo itong pigilan ang mapanirang operasyon na nagbabanta sa mga Katutubo, magsasaka, at residente.


Larawan mula sa Kalikasan.
Larawan mula sa Kalikasan.

Ang kautusan ng suspensyon ng MGB ay inilabas sa ilalim ng Philippine Mining Act of 1995 at Department of Environment and Natural Resources Administrative Order No. 2010-21, na binanggit ang “force majeure” na mga kondisyon gaya ng mga barikada at alitan sa mga may-ari ng lupa. Subalit habang mabilis kumilos ang mga awtoridad sa nakaraan upang buwagin ang mga barikada ng mamamayan, nabigo silang ipatupad ang sarili nilang suspensyon laban sa operasyon ng korporasyon. Ipinapakita nito ang dobleng pamantayan at pagkiling sa interes ng pagmimina kaysa sa karapatan ng mga komunidad.


Larawan mula sa Kalikasan.
Larawan mula sa Kalikasan.

Sa pagpapatuloy ng drilling operations, nagpapadala ang pamahalaan ng mapanganib na mensahe na maaaring manaig ang interes ng korporasyon laban sa karapatan at kapakanan ng mga Katutubo, magsasaka, at residente. Hindi sapat ang half-measures upang protektahan ang mga komunidad na may banta ang kabuhayan at kalikasan. Dapat tuluyang ibasura ang exploration permit, at kagyat na ipatigil ang drilling operations.


Larawan mula sa Kalikasan.
Larawan mula sa Kalikasan.

Binibigyang-diin ng Panaghiusa na matagal nang tinututulan ng mga Katutubo ang extractive projects na lumalabag sa kanilang karapatan at sumisira sa kalikasan. Ang pagpapatuloy ng drilling operations sa kabila ng suspensyon ay nagpapakita ng sistematikong kabiguan na itaguyod ang mga karapatang ito. Dapat gampanan ng MGB at iba pang ahensya ang kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayan at ang lupa, hindi ang protektahan ang mga korporasyon mula sa pananagutan.


Nanawagan ang Panaghiusa sa mga kaalyado, advocates, at mas malawak na publiko na makiisa sa mga apektadong komunidad sa Dupax Del Norte at sa buong Nueva Vizcaya. Ang suspensyon ng permit nang hindi pinatitigil ang operasyon ay isang pagtataksil sa tungkulin ng pamahalaan na igalang ang karapatan ng mamamayan at protektahan ang kalikasan. Ang tunay na pananagutan ay nangangailangan hindi lamang ng pagbabasura sa permit ng Woggle kundi pati ng isang batayang pagbabago sa polisiya na inuuna ang tao kaysa tubo, lupang ninuno kaysa pagsasamantala, at ecological balance kaysa kasakiman ng korporasyon.


Matatag na nakikiisa ang Panaghiusa sa mga Katutubo, magsasaka, at residente ng Dupax Del Norte sa kanilang panawagan para sa proteksyon ng kanilang lupa. Nanawagan kami sa publiko na palakasin ang laban na ito, ilantad ang hungkag na hakbang ng mga ahensya, at igiit ang tiyak na aksyon. Ang laban para ibasura ang permit ng Woggle ay bahagi ng mas malawak na kilusan upang ipagtanggol ang karapatan ng mga Katutubo, protektahan ang kalikasan, at tiyakin na ang susunod na henerasyon ay magmamana ng lupang malaya sa pagsasamantala at pagkasira.


Iniimbitahan ng Panaghiusa ang lahat na dumalo sa paglulunsad at maging bahagi ng Defend Nueva Vizcaya Movement (DNVM) sa Pebrero 16, 2026 sa Atencio-Libunao Hall, University of the Philippines, Diliman. Pinagbubuklod ng DNVM ang mga grupong pangkalikasan, faith-based organizations, akademya, mga komunidad ng Katutubo, mga samahan ng magsasaka, at mga indibidwal na nagmamalasakit upang ipagtanggol ang kalikasan, likas-yaman, at karapatan ng mamamayan sa Nueva Vizcaya. #

Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page