top of page

Sa pagbisita ng UN expert, Ayta, residente muling ipinahayag ang pagtutol sa Pax Silica; nanawagan na itaguyod ang karapatan ng mga Katutubo

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • 4 hours ago
  • 2 min read


Noong Agosto 16, 2026, nagtipon ang mga Ayta mula sa Sitio Malasa, Sitio Binyayan, Sitio Kalangitan, Sitio Baguingan, Sitio Rivera, at Sitio Coop sa Tarlac upang ipahayag ang kanilang kolektibong pagtutol sa Pax Silica Initiative sa panahon ng pagbisita ni Dr. Pichamon Yeophantong, miyembro ng United Nations Working Group on Business and Human Rights (UNWGBHR). Ang pagbisita ay pinangasiwaan ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights (Panaghiusa) at KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas bilang bahagi ng academic mission ni Dr. Yeophantong sa Pilipinas, upang matiyak na maririnig ang tinig ng mga komunidad sa pandaigdigang usapan hinggil sa negosyo, karapatang pantao, at karapatan ng mga Katutubo.



Kabilang sa pagtitipon ang mga komunidad ng Ayta, lokal na residente, mga boluntaryo, at mga pangmasang organisasyon, kasama ang kinatawan mula sa UNWGBHR. Tinalakay nila ang malawak na implikasyon ng Pax Silica at ang agarang banta na kinakaharap ng mga Katutubo sa Tarlac. Ilan sa pinakamabigat na usapin ay ang nakaambang pagpapalayas sa mga komunidad, pagsira sa mga libingan sa kabundukan, at mga taktika ng pananakot na ginagamit ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).



Ibinunyag ng mga residente na nag-aalok ang BCDA ng kabayaran kapalit ng malalawak na sakahan at lupang ninuno. Ngunit iginiit ng mga Ayta at residente na walang halaga ng salapi ang makapapalit sa pagkawala ng kabuhayan, tirahan, pamana ng kultura, at kabuuang pamumuhay ng kanilang komunidad. Binigyang-diin ng mga Ayta na ang kanilang lupang ninuno ay hindi lamang lupa kundi ang ugat ng kanilang pagkakakilanlan, espiritwalidad, at kaligtasan.



Mariing iginiit ng mga lumahok sa konsultasyon ang pangangailangang pakinggan ang mga Katutubo at lokal na residente. Pinagtibay ng Panaghiusa ang kahalagahan ng pagtataguyod sa karapatan ng mga Katutubo sa Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), isang prinsipyong nagsisiguro na ang mga Katutubo ay may sapat na kaalaman, panahon, at kalayaan upang magpasya sa mga usaping may kinalaman sa kanilang lupang ninuno nang walang pananakot, pamimilit, o panlilinlang.



Bukas, Agosto 31, 2026, ilulunsad ng mga Katutubo, mga tagapagtanggol ng kalikasan at lupa, at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ang Network Opposed (NO) to Pax Silica, isang malawak na kampanya upang labanan ang mapanirang proyekto at manawagan ng pananagutan. Layunin ng inisyatiba na pag-isahin ang mga komunidad at tagapagtaguyod sa pagtutol sa sistematikong paglabag na kaakibat ng Pax Silica, at igiit ang pangunahing kahalagahan ng karapatan ng mga Katutubo, pangangalaga sa kalikasan, at katarungang panlipunan.



Nakikiisa ang Panaghiusa sa kampanyang ito, muling pinagtitibay ang kanyang paninindigan na palakasin ang tinig ng mga komunidad, patatagin ang kolektibong paglaban, at ipagtanggol ang karapatan ng mga Katutubo laban sa pang-aabuso at pang-aagaw. Ang panawagan ng mga Ayta sa Tarlac at ng sambayanang Pilipino ay nagsisilbing makapangyarihang paalala na ang tunay na kaunlaran ay dapat nakabatay sa paggalang sa dangal ng tao, pamana ng kultura, at karapatan ng mga Katutubo na mamuhay nang malaya sa kanilang lupang ninuno. # 


Comments


© 2022 Panaghiusa

bottom of page