top of page

Sa dayalogo kasama ang UN expert, mga Katutubo, tanggol-kalikasan, maralitang lungsod tinalakay ang mga paglabag sa karapatan

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • 2 hours ago
  • 2 min read

Nagsagawa ng roundtable discussion ang mga Katutubo, mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao, mga tagapagtanggol ng kalikasan, at maralitang lungsod kasama si Dr. Pichamon Yeophantong, miyembrong United Nations Working Group on Business and Human Rights (UNWGBHR) para sa Asya-Pasipiko, Agosto 12, 2026.



Tinalakay ng mga environmental defenders mula sa Kalikasan at Center for Environmental Concerns kung paanong patuloy na nilalabag ng mga kompanya ng mina sa Palawan at iba pang rehiyon ang karapatan ng mamamayan, na nagdudulot ng sapilitang pagpapalayas sa mga komunidad at pagkasira ng ekosistema. Itinampok ng KADAMAY ang lumalalang kalagayan ng maralitang lungsod, kabilang ang pribatisadong pabahay, kawalan ng akses sa batayang serbisyo, at kriminalisasyon ng mga organisador. Mula sa Timog Katagalugan, ibinahagi ng Save Laguna Lake Movement at Kalikasan Timog Katagalugan ang banta ng mga reclamation, proyektong dam, at ekspansyon ng mga korporasyon sa kabuhayan at pamana ng kultura, habang inalala ang karahasan ng Bloody Sunday Massacre.



Dagdag pa rito, mula sa National Capital Region, nagsalita ang mga magsasaka mula Samanako Diliman at mga residente ng Smokey Mountain hinggil sa land grabbing at mga proyektong waste-to-energy na sapilitang nagpapalayas sa mga pamilya. Bawat testimonya ay nagbigay-diin sa paulit-ulit na pattern ng red-tagging, pananakot, at sistematikong pagpapabaya.



Binibigyang-diin ng Panaghiusa na ang roundtable ay hindi lamang espasyo para iulat ang mga pakikibaka ng komunidad kundi kongkretong pagpapahayag ng pagkakaisa. Sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga Katutubo, human rights advocates, mga tagapagtanggol ng kalikasan, at maralitang lungsod, naiaangat ang lokal na realidad sa pandaigdigang plataporma.


Larawan mula sa UP Institute of Human Rights.
Larawan mula sa UP Institute of Human Rights.

Binigyang-diin din ng mga kalahok ang panawagan na tutulan ang mga mapanirang proyekto, managot ang mga korporasyon at estado, at tiyakin na ang mga karapatan ng mga magsasaka, mangingisda, maralitang lungsod, at mga Katutubo ay patuloy na maipagtatanggol.



Bahagi ang roundtable ng academic visit na inorganisa ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights, Indigenous Peoples’ Rights International, UP Institute of Human Rights, KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, Tebtebba Foundation, Coalition for Human Rights in Development, Legal Rights and Natural Resources Center, Alyansa Tigil Mina, at Rights Energy Partnership. Ito ay pagpapatuloy ng naunang academic visit noong 2024 kasama si Dr. Pichamon at dating UN Special Rapporteur on the Rights of Indigenous Peoples Francisco Cali Tzay, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na maihatid ang tinig ng mga komunidad sa pandaigdigang proseso ng karapatang pantao.


Larawan mula sa UP Institute of Human Rights.
Larawan mula sa UP Institute of Human Rights.

Layunin ng pagbisita na palalimin ang pakikipag-ugnayan sa mga Katutubo at civil society, suriin ang pagpapatupad ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) sa pagmimina at kritikal na mineral, at mag-ambag sa mga rekomendasyon para sa Philippines’ National Action Plan on Business and Human Rights. Ang pagbisita ni Dr. Yeophantong ay sinuportahan ng kanyang grant mula sa Australian Research Council (ARC). Sa tulong nito, pinamumunuan niya ang Responsible Business Lab at ang Environmental Justice and Human Rights Project, na parehong nakabatay sa kanyang ARC-funded research. #


Comments


© 2022 Panaghiusa

bottom of page