Panaghiusa: Ibasura ang gawa-gawang kaso laban sa lider-kabataan ng Molbog
- Panaghiusa Philippine Network
- Aug 1
- 2 min read
Nananawagan ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ng agarang pagbasura sa gawa-gawang kaso laban sa kabataang Molbog na si Angelica Nasiron, na isinampa ni Balabac Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Chieftain Hamidon Monsarapa.

Muli na namang ginamit ng mga puwersa ng estado ang cyberlibel bilang sandata upang patahimikin ang mga Katutubo at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Ang pagpuna sa pamahalaan at pagtatanggol sa karapatan ng mga Katutubo ay hindi krimen. Isa itong lehitimo at mahalagang paggamit ng karapatang magpahayag.
“Ipinapahayag namin ang matinding pagkadismaya kay IPMR Chieftain Hamidon Monsarapa sa pagsasampa ng kaso laban sa kapwa Molbog, lalo na sa isang lider-kabataan na aktibong ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupang ninuno. Nanawagan kami kay IPMR Chieftain Hamidon Monsarapa na huwag gamitin ang kanyang posisyon sa mga taktika ng estado na layong pag-away-awayin ang mga komunidad ng katutubo,” pahayag ni Rikki Mae Gono, Pambansang Tagapag-ugnay ng Panaghiusa.
“Ginagamit ang ipinataw ng gobyernong IPMR system upang pagwatak-watakin ang mga komunidad ng Katutubo at isulong ang interes ng estado at mga pribadong korporasyon sa halip na ang karapatan ng mga Katutubo,” dagdag pa niya.
Ang kasong ito ay bahagi lamang ng patuloy na padron ng panliligalig sa mga residente ng Sitio Marihangin na Molbog. Nauna nang sinampahan ng kasong grave coercion ang sampung residente ng isang opisyal, si dating NCIP Officer-in-Charge Executive Director Atty. Caesar Ortega. Ayon sa ulat, isinampa ang mga kasong ito matapos ang pagbisita ni Ortega sa komunidad noong Hunyo 27, 2024. Sa nasabing pagbisita, sinasabi ng mga residente na pinilit sila ni Ortega na isuko ang kanilang lupang ninuno kapalit ng salapi.
“Pinaninindigan namin na ang NCIP, kabilang ang mga IPMR, ay may tungkuling igalang at ipagtanggol ang mga karapatan ng mga katutubo sa lupang ninuno, malayang pagpapahayag, partisipasyon, at sariling pagpapasya, alinsunod sa pambansa at pandaigdigang batas. Anumang hakbang na lumalabag sa mga karapatang ito sa pamamagitan ng pamimilit o mga kasong may motibong pampulitika ay paglabag sa karapatan ng mga katutubo,” pahayag ni Gono.
Patuloy na nakikiisa ang Panaghiusa sa mga Katutubong mamamayan ng Bugsuk, Palawan sa gitna ng mga banta sa kanilang karapatan sa lupang ninuno, sariling pagpapasya, at malayang pagpapahayag—lalo na sa kanilang pangunahing karapatang mamuhay nang malaya, mapayapa, at ligtas mula sa karahasan at diskriminasyon. Nananawagan kami ng agarang pagbasura sa gawa-gawang kaso laban kay Angelica Nasiron at sa iba pang lider ng Molbog.
Ang katarungan ay humihingi ng matatag na pagkilala sa pakikibaka ng mga Katutubo para sa kanilang mga karapatan. Nakikiisa ang Panaghiusa sa kanilang laban kontra sa sapilitang pagpapalayas, panunupil ng estado, at militarisasyon ng kanilang mga komunidad, lalo na sa Sitio Marihangin. Nanawagan kami para sa ganap na pagkilala sa karapatan ng mga Katutubo sa kanilang lupang ninuno at sa sariling pagpapasya. #
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
Pambansang Tagapag-ugnay
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights
コメント