top of page
Search

Itigil ang Atake: Itaguyod ang Karapatan ng Katutubo, Pandaigdigang Makataong Batas

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • 1 hour ago
  • 2 min read

Sa paggunita ng Araw ng Pandaigdigang Makataong Batas at Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo ngayong Agosto, mariing kinokondena ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ang tumitinding paglabag sa karapatang pantao at Pandaigdigang Makataong Batas (International Humanitarian Law o IHL) sa rehiyon ng Timog Katagalugan.


Sama-samang tumitindig ang mga Katutubo at advocates laban sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao at Pandaigdigang Makataong Batas ng mga pwersa ng estado sa Timog Katagalugan.
Sama-samang tumitindig ang mga Katutubo at advocates laban sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao at Pandaigdigang Makataong Batas ng mga pwersa ng estado sa Timog Katagalugan.

Ang brutal na pagpaslang kay magsasakang si Juan Sumilhig noong Agosto 1 sa San Jose, Occidental Mindoro ng 4th Infantry Battalion ay hindi isang hiwalay na insidente—ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng militarisasyon at panunupil sa mga komunidad ng katutubo at magsasaka sa buong Mindoro.


Isang linggo matapos ang pagpatay kay Sumilhig, noong Agosto 7, muling naganap ang marahas na operasyong militar sa Sitio Bagong Pook, Barangay Happy Valley, Roxas, Oriental Mindoro. Ayon sa Karapatan Southern Tagalog, dalawang hinihinalang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang napatay sa engkwentro sa 1st Infantry Battalion. Ito ay kasunod ng kasaysayan ng agresyong militar sa Roxas, kabilang ang pambobomba noong Marso 2022 na nakaapekto sa mahigit 6,000 residente, gamit ang pitong putok ng Howitzer cannon at tatlong ulit na pagraratrat mula sa V150 tank.


Ang sunod-sunod na operasyong ito ay nagpapatibay sa realidad ng de facto martial law sa Oriental at Occidental Mindoro. Ang presensya ng militar sa mga komunidad ng Katutubo ay matinding paglabag sa karapatan ng mga Mangyan sa kabuhayan, sariling pagpapasya, at kaligtasan. Nabubuhay ang mga residente sa takot, hindi makapagsalita nang malaya o makapagdepensa ng kanilang karapatan nang hindi nanganganib. Ang humanitarian team mula sa Karapatan Southern Tagalog na nagsagawa ng fact-finding mission sa Roxas ay hinaras at pinigilan—patunay ng pagsisikap ng militar na supilin ang katotohanan at pananagutan.


Nanawagan kami ng agarang pagtigil sa mga operasyong militar sa mga lupang ninuno at ng ganap na pananagutan sa pagpaslang kay Juan Sumilhig at sa mga sumunod na atake sa Roxas. Dapat isagawa ang mga independiyenteng imbestigasyon nang may transparency at partisipasyon ng komunidad. Dapat panagutin ang 4th at 1st Infantry Battalions, pati na ang 203rd Infantry Brigade at 2nd Infantry Division, sa kanilang mga paglabag sa IHL at karapatan ng mga katutubo at magsasaka.


Dapat wakasan ng pamahalaan ng Pilipinas ang kontra-insurhensyang programang tumatarget sa mga sibilyan at sa halip ay tuparin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP), at Geneva Conventions.


Ang mga araw na ito ng paggunita ay dapat magsilbing panawagan sa pagkilos. Ang mga komunidad ng katutubo ay hindi basta-bastang biktima—sila ay may karapatan, tagapangalaga ng kalikasan, at mahalagang tinig sa pagsusulong ng hustisya at kapayapaan.


Buong puso kaming nakikiisa sa mga Katutubo ng Mindoro at Timog Katagalugan. Nanawagan kami sa civil society, midya, mga komunidad ng pananampalataya, at mga pandaigdigang kaalyado na palakasin ang panawagang ito at igiit ang pananagutan.


Itaguyod ang karapatang pantao at Pandaigdigang Makataong Batas! #


Sanggunian:

Rikki Mae Gono

Pambansang Tagapag-ugnay

Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights

Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page