top of page
Search

Sa Pandaigdigang Araw ng mga Biktima ng Sapilitang Pagkawala, Panaghiusa nananawagan na ilitaw sina De Jesus, Capuyan, Salaveria, Jazmines, Balao, Burgos, at lahat ng Desaparecidos

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • Aug 30
  • 4 min read

Ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ay mariing nananawagan na ilitaw ang mga Katutubo at tagapagtanggol ng karapatang pantao na biktima ng sapilitang pagkawala na isinagawa ng estado. Mariin naming kinokondena ang patuloy na paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., kung saan ang mga pwersa ng estado ay sistematikong tinatarget ang mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubo.


Ang mga sapilitang pagkawala na ito ay hindi mga hiwalay na insidente. Bahagi ito ng isang malawak at sistematikong kampanya upang patahimikin ang mga tumututol sa pang-aagaw ng lupa, mapanirang proyekto, at karahasang isinagawa ng estado.


Si Chuwaley Capuyan (pangatlo mula sa kaliwa), anak ng Desaparecido na si Dexter Capuyan, sa isang protesta sa harap ng Department of Justice sa Maynila, ika-29 ng Agosto, 2025. Larawang kuha ni KR Abalos.
Si Chuwaley Capuyan (pangatlo mula sa kaliwa), anak ng Desaparecido na si Dexter Capuyan, sa isang protesta sa harap ng Department of Justice sa Maynila, ika-29 ng Agosto, 2025. Larawang kuha ni KR Abalos.

Kabilang sa mga kaso ng sapilitang pagkawala ay ang pagdukot kina Dexter Capuyan, isang aktibistang Bontok-Ibaloi-Kankanaey, at Gene Roz Jamil “Bazoo” De Jesus, isang tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubo. Sila ay dinukot noong Abril 28, 2023 sa Taytay, Rizal ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police. Sa kabila ng mga testimonya ng saksi at ebidensyang lumalabas, tumanggi ang mga awtoridad na kumilos sa loob ng mahigit dalawang taon. Kahit na kinilala ng Court of Appeals noong Agosto 12, 2025 sa pamamagitan ng Writ of Amparo na sila ay biktima ng sapilitang pagkawala, nananatiling walang aksyon mula sa mga pwersa ng estado.


Ganito rin ang nangyari kay Felix “Jun” Salaveria Jr., isang tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubo, na dinukot mula sa kanyang tahanan sa Tabaco City, Albay noong Agosto 28, 2024. Ilang araw bago ito, dinukot din si James Jazmines, isang mananaliksik at tagapagtanggol ng karapatan ng mga manggagawa, sa parehong lungsod. Pareho silang minanmanan at dinukot sa koordinadong operasyon.


Ang mga kasong ito ay sumasalamin sa matagal nang hindi nalulutas na pagkawala nina James Balao, isang tagapagtatag ng Cordillera Peoples Alliance na dinukot sa La Trinidad, Benguet noong 2008, at Jonas Burgos, isang aktibistang magsasaka na dinukot sa Ever Gotesco Mall sa Quezon City noong 2007. Sa parehong kaso, may ebidensyang tumuturo sa sangkot na militar, ngunit hanggang ngayon ay walang napapanagot.


Sila De Jesus, Capuyan, Salaveria, Jazmines, Balao, at Burgos ay mga tagapagtanggol ng karapatan ng mamamayan, lalo na ng mga katutubo sa kanilang karapata sa sariling pagpapasya at lupang ninuno. Sila ay tinarget ng mga pwersa ng estado dahil sa kanilang mga adbokasiya. Sa halip na igalang ang karapatan ng mga katutubo, pinili ng pamahalaan na tumugon sa pamamagitan ng pananakot, kriminalisasyon, at sa pinakamatinding anyo—sapilitang pagkawala.


Ang sapilitang pagkawala sa Pilipinas ay sistematiko at sinadyang itarget ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, kabilang ang mga lider at tagapagtanggol ng mga Katutubo, kaya’t ito ay itinuturing na krimen laban sa sangkatauhan. Kinikilala ito ng mga pandaigdigang batas bilang isang mabigat na paglabag.

Bilang isang signatory sa International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (ICPPED), may obligasyon ang Pilipinas na magsagawa ng imbestigasyon, usigin, at parusahan ang mga responsable sa mga paglabag na ito. Gayundin, sa ilalim ng Rome Statute ng International Criminal Court, kung saan naging State Party ang Pilipinas hanggang 2019, ang sapilitang pagkawala ay itinuturing na krimen laban sa sangkatauhan kapag isinagawa sa sistematikong paraan.


Kinukumpirma ng United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) ang likas na karapatan ng mga Katutubo sa kanilang lupain, teritoryo, at likas na yaman, pati na rin ang kanilang proteksyon laban sa karahasan, militarisasyon, at sapilitang pagpapalayas. Ang patuloy na sapilitang pagkawala ng mga Katutubo ay hindi lamang pag-atake sa indibidwal na buhay kundi pati sa kolektibong karapatan, sariling pagpapasya, at mismong pag-iral ng mga komunidad ng Katutubo.


Iginigiit ng Panaghiusa na sina De Jesus, Capuyan, Salaveria, Jazmines, Balao, at Burgos, at lahat ng Desaparecidos ay hindi lamang mga biktima kundi mga tagapagtanggol ng lupa, buhay, at dignidad. Ang pagdukot sa kanila ay tangkang burahin ang paglaban, ngunit ang kanilang pakikibaka ay nagpapatuloy sa mga komunidad na kanilang pinagsilbihan at patuloy na lumalaban para sa hustisya.


Sa Pandaigdigang Araw ng mga Biktima ng Sapilitang Pagkawala, nananawagan kami sa administrasyong Marcos Jr. na agad na ilitaw ang lahat ng Desaparecidos, imbestigahan ang buong padron ng sapilitang pagkawala na isinagawa ng estado, panagutin ang mga salarin sa ilalim ng pambansa at pandaigdigang batas, at wakasan ang kriminalisasyon at panliligalig sa mga lider ng katutubo at tagapagtanggol ng karapatang pantao.


Bawat araw ng katahimikan ay lalong nagpapalalim sa sakit ng mga pamilya at komunidad na naghihintay ng katotohanan. Nanawagan kami sa mga katutubo, civil society, at pandaigdigang komunidad na palakasin ang panawagan: Ilitaw sina Bazoo De Jesus, Dexter Capuyan, Felix Salaveria Jr., James Jazmines, James Balao, Jonas Burgos, at lahat ng Desaparecidos! Itigil ang mga pag-atake sa mga Katutubo at advocates! #



Sanggunian:


Rikki Mae Gono

Pambansang Tagapag-ugnay

Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights


Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page