top of page
Search

Panaghiusa nananawagan ng pananagutan matapos ibasura ng korte ang gawa-gawang kaso laban sa IP rights advocate

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • Aug 12
  • 2 min read

Malugod na tinatanggap ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples' Rights ang pagbasura sa walang basehan at politically motivated na kaso laban kay Myrna Cruz-Abraham, isang masigasig na tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubo.


Si Myrna Cruz-Abraham. Larawan mula sa Karapatan National Capital Region.
Si Myrna Cruz-Abraham. Larawan mula sa Karapatan National Capital Region.

Noong Agosto 4, 2025, ibinasura ni Presiding Judge Conrado Tabaco ng Cagayan Regional Trial Court Branch 9 ang gawa-gawang kasong frustrated murder laban kay Myrna. Pinagtitibay ng hatol na ito ang matagal nang sinasabi ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao: na ang kaso ay walang batayan, pulitikal ang motibo, at layuning takutin at patahimikin siya.


Ang pag-aresto at pagkakakulong kay Myrna ay sumasalamin sa patuloy na padron ng panliligalig at kriminalisasyon sa mga Katutubo at mga tagapagtanggol ng karapatan na matapang na nagsasalita laban sa abuso at ipinagtatanggol ang kanilang lupang ninuno. Hindi ito isang hiwalay na insidente. Bahagi ito ng mas malawak na kampanya upang patahimikin ang pagtutol at buwagin ang mga kilusang nagtatanggol sa lupa laban sa mapanirang mga proyekto at militarisasyon.


Inaresto si Myrna habang nasa mall kasama ang kanyang pamilya—isang malinaw na pagpapakita ng kapangahasan ng mga awtoridad at kawalan ng paggalang sa due process at dignidad. Ang hindi napetsahang warrant of arrest na ipinatupad nang walang maayos na dokumentasyon o paliwanag ay nagpapakita ng nakakabahalang pagkawala ng mga legal na proteksyon para sa mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubo.


Matapos ang isang linggong pagkakakulong, pinalaya si Myrna sa piyansa upang harapin ang gawa-gawang kaso. Sa buong proseso ng paglilitis, paulit-ulit na naantala ang mga pagdinig—mga taktikang karaniwang ginagamit upang pahirapan ang mga bilanggong politikal at palawigin ang kanilang pagdurusa. Ang mga abusong ito sa proseso ay salamin ng karanasan ng daan-daang aktibista at lider-Katutubo na patuloy na nakakulong nang hindi makatarungan sa buong bansa.


Bagamat malaya na si Myrna mula sa maling paratang, marami pang Katutubo at tagapagtanggol ng karapatan ang nananatiling nakakulong o nasa ilalim ng banta. Nanawagan kami sa pamahalaan na wakasan ang red-tagging, arbitraryong pag-aresto, at paggamit ng sistemang panghukuman upang usigin ang mga nagtatanggol sa karapatan ng mga Katutubo.


Kinikilala namin ang legal team, mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, at mga miyembro ng komunidad na tumindig kasama ni Myrna. Ang kanilang matatag na suporta at kolektibong pagkilos ay naging susi sa pagkamit ng hustisya at sa pagbunyag ng kasinungalingan sa mga paratang.


Nanawagan din kami ng pananagutan. Dapat managot ang mga responsable sa ilegal na pag-aresto kay Myrna Cruz-Abraham. Hindi dapat palampasin ang mga institusyon at indibidwal na nagbigay-daan sa kawalang-katarungan na ito.


Dapat magsilbing babala ang kasong ito sa administrasyong Marcos Jr. at sa lahat ng sangay ng pamahalaan: ang patuloy na paggamit ng batas bilang sandata laban sa mga Katutubo at advocates ay isang matinding paglabag sa karapatang pantao at demokratikong prinsipyo. Dapat igalang—hindi kriminalisahin—ang karapatang mag-organisa, magsalita, at ipagtanggol ang karapatan ng mga Katutubo.


Muling pinagtitibay ng Panaghiusa ang paninindigan nito kasama ang mga Katutuboat tagapagtanggol ng karapatan. Hinihikayat namin ang lahat ng sektor na manatiling mapagmatyag at patuloy na magbuo ng pagkakaisa sa mga kilusan upang protektahan ang mga nagtatanggol sa ating kinabukasan. #



Sanggunian:


Rikki Mae Gono

Pambansang Tagapag-ugnay

Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights


Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page