top of page
Search

Panaghiusa kinokondena ang di-makatarungang hatol sa Talaingod 13; nananawagan na itaguyod ang karapatan sa lupang ninuno, sariling pagpapasya, edukasyon

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • Jul 15
  • 2 min read

Isang taon matapos ang hindi makatarungang hatol sa Talaingod 13, mariing kinukondena ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ang patuloy na paglapastangan sa katarungan. Iginigiit namin ang pagtigil sa kriminalisasyon ng mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubo.


Si Ka Satur Ocampo (ikalawa mula kaliwa), isa sa Talaingod 13, kasama ang mga kapwa aktibista sa protesta sa harap ng Commission on Human Rights, isang taon matapos ang hindi makatarungang hatol sa Talaingod 13, Hulyo 15, 2025.
Si Ka Satur Ocampo (ikalawa mula kaliwa), isa sa Talaingod 13, kasama ang mga kapwa aktibista sa protesta sa harap ng Commission on Human Rights, isang taon matapos ang hindi makatarungang hatol sa Talaingod 13, Hulyo 15, 2025.

Ang Talaingod 13, isang grupo ng mga guro, humanitarian workers, at mambabatas, ay kumilos upang ipaglaban ang mga pangunahing karapatang pantao: karapatan sa buhay, karapatan sa edukasyon, at karapatan sa kaligtasan. Matagal nang pinagkakaitan ng mga karapatang ito ang maraming Katutubo, kabilang ang mga Lumad sa Mindanao.


Ang kakulangan at kapabayaan ng pamahalaan ang nagtulak sa mga Lumad na itatag ang sarili nilang sistema ng edukasyon. Bukod sa limitadong akses sa mga pangunahing serbisyo, lalong lumala ang kanilang kalagayan dahil sa presensiya ng militar sa kanilang komunidad.


Noong 2018, iniligtas ng Talaingod 13 ang mga batang Lumad mula sa pananakot at marahas na pagpapalayas ng mga paramilitaryang grupo na suportado ng estado. Ngunit sila'y hindi makatarungang hinatulan ng “paglalagay sa panganib ng mga bata,” at ang kanilang layunin ay binaluktot upang gawing krimen ang kanilang adbokasiya. Ang mga batas ay ginagamit bilang sandata upang patahimikin ang mga tumutuligsa sa paglabag sa karapatang pantao, tumututol sa militarisasyon, at sumusuporta sa karapatan ng mga Katutubo.


Ayon sa Pandaigdigang Batas sa Karapatang Pantao, tungkulin ng estado ang protektahan, hindi usigin, ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Pinagtitibay rin ng UN Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) ang karapatan ng mga Katutubong komunidad na magtatag ng kanilang sistemang pang-edukasyon, isabuhay at ipasa ang kanilang tradisyong kultural, at mamuhay nang walang takot at karahasan.

Ngunit sa halip na tuparin ang tungkulin, binomba ng pamahalaan ang mga paaralang Lumad, pinangalanang mga terorista ang mga guro at lider ng komunidad, at ginamit ang mga batas upang parusahan ang pagkakaisa.


Dahil dito, nananawagan ang Panaghiusa sa administrasyong Marcos Jr. na igalang ang mga karapatan ng mga Katutubong Mamamayan sa lupang ninuno, sariling pagpapasya, at edukasyon. Hinihiling namin ang agarang pagbawi sa hindi makatarungang hatol sa Talaingod 13. Suportado rin namin ang muling pagbubukas ng mga paaralang Lumad bilang pagpapahayag ng karapatang pang-edukasyon ng mga Katutubo na naaayon sa kanilang kultura.


Buong lakas naming ipinapanawagan: Wakasan ang paglapastangan ng estado, kriminalisasyon ng pagkakaisa, at militarisasyon ng mga Katutubong komunidad. #

Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page