top of page
Search

Panaghiusa kinikilala ang Sangguniang Bayan ng Infanta sa pagtutol sa Kaliwa Dam; nananawagan sa mga LGU, ahensya, at kay Marcos Jr. na tumugon

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • Jul 23
  • 2 min read

Kinikilala ng Panaghiusa sina Mayor LA Ruanto, Vice Mayor Mannie America, at ang Sangguniang Bayan ng Infanta, Quezon sa kanilang malinaw at matapang na paninindigan laban sa proyektong Kaliwa Dam. Ang kanilang kamakailang resolusyon na tumututol sa dam ay mahalaga at napapanahong pagpapatibay ng kalooban ng taumbayan—lalo na ang matagal nang pagtutol ng mga Dumagat, iba pang apektadong komunidad, at ng kanilang mga kaalyado upang ipagtanggol ang lupang ninuno at ang Sierra Madre.


Larawan mula sa Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.
Larawan mula sa Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.

Ito ay umaalingawngaw sa mga dekadang pakikibaka ng mga Katutubo upang itaguyod ang karapatan sa lupa, pangalagaan ang kritikal na mga ecosystem, at tutulan ang mga proyektong ipinatutupad nang walang malaya, pauna, at may sapat na kaalamang pahintulot. Pinagtitibay nito ang mahahalagang panawagan sa 1Sambubungan Indigenous Peoples’ Agenda, partikular hinggil sa lupang ninuno, pangangalaga sa kalikasan, at rights-based governance na may sapat na partisipasyon.


Nananawagan kami sa iba pang mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at sa administrasyong Marcos Jr.: itigil ang proyektong Kaliwa Dam at igalang ang karapatan ng mga Katutubo at ng mga apektadong komunidad.

Lalo pang tumitindi ang panawagan sa gitna ng pananalasa ng bagyo sa ilang bahagi ng Pilipinas. Muli, ang Sierra Madre—ang ating “likas na panangga” laban sa mga bagyo—ay nagsisilbing kalasag upang pababain ang pinsala. Subalit patuloy itong nilalagay sa panganib ng Kaliwa Dam. Ang mga komunidad na nagtatanggol dito, laluna ang mga Katutubo, ay kabilang sa pinakamalubhang naaapektuhan ng kombinadong epekto ng militarisasyon, sapilitang pagpapalayas, at mga kalamidad dulot ng pagbabago sa klima.


Habang lalong tumitindi at dumadalas ang mga bagyo, dapat panagutin ang rehimeng Marcos Jr. hindi lamang sa kawalan ng aksyon sa pagbabawas ng panganib sa klima kundi sa pagbabantang inilalagay sa mismong mga ecosystem at komunidad na nagsisilbing panangga para sa lahat. Patuloy ang pagbubuhos ng bilyon-bilyong pondo sa mga mapanirang imprastruktura at militarisasyon, habang ang batayang serbisyo, kahandaan sa sakuna, at Indigenous-led conservation efforts ay nananatiling lubos na kapos sa pondo.


Nananawagan kami ng pananagutan. Nananawagan kami ng pagbago sa prayoridad.

Pangalagaan ang lupang ninuno. Igalang ang karapata ng mga Katutubo. Depensahan ang Sierra Madre. Itigil ang Kaliwa Dam. Panagutin ang rehimeng Marcos Jr.




Sanggunian:


Rikki Mae Gono

Pambansang Tagapag-ugnay

Panaghiusa Philippine Network To Uphold Indigenous Peoples’ Rights

Comentarios


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page