Panaghiusa kaisa ng mamamayan ng Guinaoang, Bulalacao; nanawagan na itigil ang mapanirang pagmimina sa lupang ninuno
- Panaghiusa Philippine Network
- Oct 15
- 2 min read
[ENGLISH] Panaghiusa stands with people of Guinaoang, Bulalacao; calls to stop destructive mining in ancestral lands
Ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples' Rights ay buong tibay na nakikiisa sa mga komunidad ng Guinaoang at Bulalacao sa Mankayan, Benguet, na muling tumindig upang ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno laban sa mapanirang pagmimina ng Crescent Mining and Development Corporation (CMDC) at ng dayuhang kasosyo nito, ang Blackstone Minerals.

Noong Oktubre 13, 2025, naging saksi ang kabundukan sa isang makapangyarihang kilos-protesta. Mahigit 400 residente ang nagtipon para sa isang misa at programang pangkomunidad upang basbasan ang kanilang bagong tayong barikada, isang sagradong simbolo ng pagkakaisa, pagbabantay, at pagtutol. Inilunsad din ng mga Katutubong Mamamayan ang No Mines Movement of Guinaoang and Bulalacao.
Ang kolektibong pagkilos na ito ng mga Kankanaey ay nakaugat sa kanilang patuloy na pakikibaka upang ipagtanggol ang lupang ninuno, igiit ang sariling pagpapasya, at tuparin ang tungkuling “pangalagaan, protektahan, at paunlarin ang mga kultural na halaga, likas na yaman, at kinabukasan ng sambayanan.”
Mariin naming kinokondena ang pag-renew ng Mineral Production Sharing Agreement ng CMDC at ang paglalabas ng Certification Precondition ng National Commission on Indigenous Peoples, kapwa isinulong nang walang Free, Prior, and Informed Consent mula sa mga apektadong residente. Ang mga ito ay malinaw na paglabag sa karapatan ng mga Katutubo at nagpapakita ng katiwalian at kapabayaan ng mga ahensyang dapat sana’y nagtatanggol sa kanila.
Mula pa noong Agosto 2025, nagpapatuloy ang 24-oras na pagbabantay ng mga residente sa kanilang barikada upang hadlangan ang pagpasok ng mga kagamitang pambutas, at inaalala ang kanilang tagumpay noong 2022, nang matagumpay nilang napigilan ang eksplorasyon ng CMDC sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.
Ipinapahayag ng Panaghiusa ang pakikiisa sa panawagan ng mga komunidad ng Guinaoang at Bulalacao: Ipagtanggol ang Mankayan! Ipagtanggol ang Cordillera! Tutulan ang CMDC! Tutulan ang Mapanirang Pagmimina sa mga komunidad ng mga Katutubo!
Nanawagan kami sa lahat ng mga Katutubo, tagapagtanggol ng kalikasan, at mga Pilipinong nagsusulong ng kalayaan na makiisa sa laban. Ang tunay na kaunlaran ay yaong gumagalang sa karapatan ng mga Katutubo at kapakanan ng mga komunidad. #
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
Pambansang Tagapag-ugnay
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights

Comments