Palayain ang lahat ng Kababaihang Bilanggong Pulitikal!
- Bai Indigenous Women's Network
- Mar 7
- 2 min read
Muli kaming nananawagan sa lahat ng kababaihang Pilipino na magkaisa at magkapitbisig para sa kagyat na pagpapalaya ng lahat ng kababaihang bilanggong pulitikal.

Mahigpit na nakikiisa ang Network of Indigenous Women - Bai sa mga pagkilos at panawagan para sa pagpapalaya ng mga kababaihang Katutubo na ikinulong dahil sa mga gawa-gawang kaso o trumped-up charges. Ayon sa datos ng Karapatan National, mayroong 157 kababaihang bilanggong pulitikal, kung saan hindi bababa sa 15 ang mga Katutubo at IP advocates. Karamihan sa kanila ay nakakulong sa iba’t ibang presinto sa Mindanao, habang dalawa naman ang nasa Camp Karingal, Quezon City.

Sa gitna ng pandemya noong 2020, hindi lamang kahirapan at sakit ang kinaharap ng mga Katutubo kundi lalo pang tumindi ang atake sa kanilang hanay. Isa na rito si Gloria Tomalon, isang kababaihang Manobo mula sa Surigao del Sur at kapatid ng dating Bayan Muna Partylist Representative Eufemia Cullamat, na inaresto at ikinulong. Noong Hulyo 16, 2021, nilusob naman ang inuupahang tirahan ni Julieta Gomez, isang boluntaryong guro ng Sildap-Sidlakan Lumad School sa Agusan del Sur at community organizer ng Kahugpungan ng mga Lumad sa Caraga Region. Kasama niyang inaresto si Niezel Velasco, isang taga-Surigao del Sur at project officer ng Bread for Emergency Assistance and Development (BREAD), na nagbibigay ng pang-emergency na tulong sa mga komunidad ng Lumad at magsasakang biktima ng bagyo, baha, at matitinding operasyong militar na nagbubunsod ng sapilitang pagbakwit.
Ang mga kababaihang Katutubo at mga tagapagtanggol ng kanilang karapatan ay hindi mga terorista. Sila ay mga guro, manggagawang medikal, magsasaka, at mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao. Ang kanilang ginagawa ay hindi krimen kundi isang makatarungang pagtatanggol sa kanilang lupang ninuno, kultura, at kabuhayan. Marami sa kanila ang nakalaya matapos magpiyansa, ngunit patuloy pa rin silang hinaharap ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanila.
Walang ligtas na espasyo para sa kababaihang Katutubo dahil hindi kinikilala ang kanilang papel sa pagpapaunlad ng kanilang mga pamayanan. Sila ay may mahalagang tungkulin sa ekonomiya, edukasyon, at kalusugan ng kanilang mga komunidad. Ngunit sa halip na bigyan ng suporta, patuloy silang pinipigilan, tinatakot, at ikinukulong.

Ang mga bilanggong pulitikal ay hindi mga kriminal kundi mga aktibista at tagapagtanggol ng kanilang karapatan. Wasto at tama lamang ang lumaban sa pang-aapi, at makatarungan ang ating pakikibaka para sa kanilang pagpapalaya.
‘Wag matakot, makibaka!
Bilanggong pulitikal, palayain!
Lupang ninuno, depensahan at ipaglaban!
Comentários