Ngayon sa Ating Pakikibaka | Pinaslang ng mga pwersa ng estado ang 9 na Tumandok, ilegal na inaresto ang 16 na indibidwal
- Panaghiusa Philippine Network
- Dec 30, 2025
- 3 min read
Naninindigan ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights kasama ng mga Tumandok sa kanilang patuloy na panawagan para sa pananagutan at hustisya. Kaisa ang network sa pagtutol sa mapanirang Jalaur Mega Dam na nagbabanta sa kanilang lupang ninuno, nagpapalayas sa kanilang mga komunidad, at lumalabag sa kanilang karapatan saFree, Prior, and Informed Consent (FPIC).
Libing ng tatlo sa siyam na mga biktima ng Tumandok Massacre, ika-17 ng Enero 2021. Mga larawan mula sa Sandugo Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-determination.
Noong Disyembre 30, 2020, nagsagawa ang pinagsamang pwersa ng 12th Infantry Battalion ng Philippine Army at Police Regional Office 6 ng Synchronized Enhanced Management of Police Operations (SEMPO) sa Tapaz, Capiz at Calinog, Iloilo. Pilit na pinasok ang mga tahanan, pinaslang ang siyam na lider at kasapi ng komunidad ng Tumandok, at ilegal na inaresto ang 16 na indibidwal. Kabilang sa 16 ang mga kilalang Katutubong kababaihan na sina Aileen Catamin at Marivec Aguirre, mga myembro ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at Bai Indigenous Women’s Network councils.
Ipinagtanggol ng mga pwersa ng estado ang pamamaslang sa pagsasabing “nanlaban” ang mga biktima, gamit ang mga search warrant bilang pantakip sa malinaw na koordinado at target na pag-atake. Ang mga biktima—sina Roy Giganto, Mario Aguirre, Eliseo Gayas Jr., Reynaldo Katipunan, Garson Catamin, Maurito Diaz, Jomer Vidal, Rolando Diaz Sr., at Artilito Katipunan—ay mga lider-Katutubo na matagal nang nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno at sariling pagpapasya.
Binibigyang diin ng Panaghiusa na ang Tumandok Massacre ay bahagi ng development aggression at karahasang dinaranas ng mga Katutubo mula sa estado. Nasa unahan ng paglaban ang mga komunidad ng Tumandok laban sa Jalaur River Multi-Purpose Project Stage II, o Jalaur Mega Dam. Ang multi-bilyong pisong proyektong ito ay nagbabantang sakupin at sirain ang lupang ninuno, magpalayas ng libo-libong residente sa hindi bababa sa 18 barangay sa Panay, at magdulot ng hindi na maibabalik na pinsalang pangkapaligiran at pangkultura sa mga komunidad ng Tumandok at Panay-Bukidnon.
Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit na inihayag ng mga Katutuboang kanilang pangamba sa kawalan at paglabag sa FPIC, pagkasira ng sagradong lupain at kabuhayan, at ang pagwawalang-bahala sa mga apektadong komunidad sa mga proseso ng pagpapasya. Sa halip na tugunan ang mga ito, lalo pang tumindi ang militarisasyon at red-tagging. Paulit-ulit na dinungisan at ni-red-tag ang mga lider at organisasyon ng Tumandok, na lumikha ng mga kondisyong humantong sa pagpaslang sa siyam.
Limang taon na ang lumipas, wala pa ring nananagot. Patuloy na ipinagkakait ang hustisya. Patuloy na nagluluksa ang mga pamilya ng mga biktima, habang nagpapatuloy ang banta sa lupang ninuno. Ang mga malalaking mapanirang proyekto na walang FPIC, kasabay ng nagpapatuloy na militarisasyon, ay nagpapakitang nananatili ang parehong mga kondisyong nagbunsod sa masaker.
Kaya’t muling iginigiit ng Panaghiusa:
Hustisya at pananagutan para sa mga biktima ng Tumandok Massacre;
Wakasan ang militarisasyon sa lupang ninuno;
Itigil ang red-tagging sa mga Katutubo at kanilang mga organisasyon
Ihinto ang malalaking mapanirang proyekto sa lupang ninuno at itaguyod ang tunay na FPIC
Sa pagtatapos ng taon, patuloy nating iginigiit na ang tinatawag na “kaunlaran” ay hindi dapat ipalit sa buhay at komunidad ng mga Katutubo. Matatag tayong naninindigan sa panawagang wakasan ang karahasan ng estado, igalang ang karapatan ng mga Katutubo sa lupang ninuno at sariling pagpapasya, at panagutin ang lahat ng nasa likod ng Tumandok Massacre.
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
Pambansang Tagapag-ugnay
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights









Comments