Lupang Ninuno, Depensahan! Dambuhala't Mapanirang Pagmimina sa Benguet, Tutulan!
- Panaghiusa Philippine Network
- 7 hours ago
- 4 min read
Ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ay matatag na nakikiisa sa mga Katutubo ng Itogon, Benguet, na tumututol sa Application for Production Sharing Agreement (APSA) 103 ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI). Binibigyang diin namin ang kanilang panawagan na ipagtanggol ang lupang ninuno, pangalagaan ang mahahalagang pinagkukunan ng tubig, at igalang ang karapatan ng mga Katutubo sa tunay na Free, Prior, and Informed Consent (FPIC). Nanawagan kami para sa agarang suspensyon at pagbabasura ng APSA 103 at kaugnay na mga permit, pagkilala sa mga petisyon at resolusyon ng komunidad, at pananagutin ang mga ahensya ng gobyerno at korporasyon na nagsabwatan upang balewalain ang karapatan ng mga Katutubo.

Sa mahigit isang siglo, ang Benguet ay dumanas ng mapaminsalang epekto ng malakihang pagmimina. Sa kasalukuyan, apat sa pinakamalalaking kompanya ng pagmimina sa bansa ang matatagpuan dito—Philex Mining Corporation, Lepanto Consolidated Mining Company, Benguet Corporation, at ISRI. Malaki ang yaman na kanilang pinakinabangan mula sa lupa, ngunit iniwan nila ang hindi na maibabalik na pinsala gaya ng nilasong ilog, destabilized mountainsides, at mga pamayanang napipilitang mamuhay sa mas matinding panganib ng sakuna. Ang mga sugat ng pagmimina ay hindi lamang pangkapaligiran kundi pangkultura rin, na unti-unting sumisira sa pundasyon ng buhay at soberanya ng mga Katutubo.
Ang bayan ng Itogon, na halos one fifth ng teritoryo ng Benguet, ay tahanan ng halos 60,000 katao. Ang ekonomiya nito ay hinuhubog ng agrikultura at pagmimina, ngunit sa likod ng ganitong anyo ay nakatago ang mas malalim na katotohanan: ang kasaganaan ng ginto, tanso, at pilak ay matagal nang ginawang puntirya para sa pandarambong ng mga korporasyon, kadalasan kapalit ng kapakanan ng mga Katutubong komunidad. Ang aplikasyon ng ISRI para sa APSA 103, na inihain noong 2012, ay naglalayong kontrolin ang 581 ektarya sa Brgy. Ampucao, Brgy. Poblacion, at Brgy. Virac. Kasama rito ang mga tahanan, paaralan, simbahan, sementeryo, at pinagkukunan ng tubig—mga espasyo ng buhay, kultura, at alaala—ngunit isinama pa rin sa aplikasyon ng kompanya.

Ang nakararanas ng pinakadirektang banta ay ang komunidad ng Sitio Dalicno sa Brgy. Ampucao, kung saan nakabaon ang natitirang deposito ng ginto sa ilalim ng watershed na nagbibigay-buhay sa mga kabahayan sa Sitio Dalicno at Brgy. Poblacion. Kapag itinuloy ang pagmimina, masisira ang ekosistema, tataas ang panganib ng sakuna, at mauubos ang pinagkukunan ng tubig. Ang pagsusumikap ng ISRI na makakuha ng 82-ektaryang Special Mining Permit noong 2024 ay nagpapakita ng kanilang layunin na pabilisin ang operasyon sa kabila ng matinding pagtutol ng komunidad. Ipinapakita nito kung paano ginagamit ng mga korporasyon ang mga butas sa batas at pakikipagsabwatan ng mga ahensya upang itulak ang kanilang proyekto kahit may pagtutol ng mamamayan.
Ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ay inaakusahan na nagbigay ng mga permit at pumirma ng mga kasunduan nang walang tunay na FPIC. Hindi isinama ang mga nakatatanda at kasapi ng komunidad, habang ang Itogon Indigenous Peoples’ Organization ay nagmaliit sa mga apektadong residente, inuuna ang makitid na interes kaysa sa kolektibong karapatan. Nilalabag nito ang Indigenous Peoples’ Rights Act, Philippine Mining Act, at mga garantiya ng Konstitusyon. Binalewala ang mga petisyon, resolusyon, at apela ng mamamayan, na iniwan silang walang kaalaman sa progreso ng aplikasyon. Ito ay isang pagtataksil, hindi konsultasyon.

Maging ang proseso ng scoping ay idinisenyo upang mag-exclude. Nagbigay lamang ang Environmental Management Bureau ng labintatlong araw na abiso para suriin ng mga komunidad ang 170-pahinang teknikal na dokumento na hindi ma-access online at hindi ipinamahagi sa mga barangay at sitio. Nang walang maliliit na pagpupulong sa antas-komunidad upang ipaliwanag ang epekto, pinagkaitan ang mga residente ng pagkakataong bumuo ng may kaalamang opinyon. Ang kakulangan sa transparency ay nagpapakita ng padron ng eksklusyon na nagmarka sa APSA 103 mula pa sa simula.
Humingi pa ng lunas sa korte ang mga mamamayan ng Dalicno, ngunit ibinasura ang kanilang kaso dahil sa teknikal na dahilan, iniwang hindi natalakay ang mga pangunahing isyu. Ipinapakita ng kabiguan ng hudikatura kung paanong patuloy na pumapanig ang mga institusyon sa mga korporasyon kaysa sa mga Katutubong ipinagtatanggol ang kanilang buhay.
Ang nakataya ay hindi lamang lupa at tubig, kundi ang mismong kaligtasan ng Sitio Dalicno at mga karatig na komunidad. Ang mga bukal at aquifer na nagbibigay-buhay ay nanganganib dahil sa underground dewatering operations. Ang marupok na ekosistema ay haharap sa hindi na maibabalik na pinsala. Nanawagan ang mamamayan na ibasura ang APSA 103 at kaugnay na mga permit, at sinusuportahan ng Panaghiusa ang panawagang ito.

Nanawagan kami sa mga ahensya ng gobyerno kagaya ng NCIP at Department of Environment and Natural Resources na itigil ang pagiging tagapamagitan ng mga dayuhang korporasyon at sa halip ay tuparin ang kanilang tungkulin na ipagtanggol ang karapatan ng mga Katutubo. Ang small-scale mining na nakaugat sa Katutubong praktika ay dapat kilalanin bilang lehitimong kabuhayan. Ang mga programa at polisiya ay dapat unahin ang pangmatagalang kapakanan ng kalikasan at mamamayan, upang matiyak na ang kaunlaran ay tunay na sustenable at nakabatay sa komunidad.
Pinagtitibay ng Panaghiusa na ang laban sa Itogon ay bahagi ng mas malawak na pakikibaka ng mga Katutubo sa buong Pilipinas. Ang mga proyektong pagmimina na inuuna ang tubo kaysa sa mamamayan ay sumisira hindi lamang sa ekosistema kundi pati sa kultura at komunidad. Patuloy naming palalakasin ang tinig ng mga Katutubo at patuloy kaming mananawagan sa estado na tuparin ang tungkulin nitong ipagtanggol ang lupang ninuno.
Ang panawagan ng mamamayan ng Itogon ay panawagan din natin. Ipagtanggol ang lupang ninuno! Ipagtanggol ang kinabukasan! Tutulan ang APSA 103! #

Comments