top of page
Search

Itigil ang pagsasangkot kay Niezel Velasco, isang IP advocate, sa mga kasong hindi sa kanya – Panaghiusa

  • Writer: Panaghiusa Philippine Network
    Panaghiusa Philippine Network
  • Jul 3
  • 3 min read

Updated: Jul 4


Nakikiisa ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights kay Niezel Velasco, tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubo at dating bilanggong politikal, pati na sa lahat ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na patuloy na humaharap sa sistematikong panggigipit ng estado sa pamamagitan ng abusong ligal. Ang pagbasura sa kasong estafa sa pangalan ng isang nagngangalang Mary Jane Velasco noong Hunyo 25, 2025 ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34 ay mahalagang hakbang sa laban ni Niezel—isang ebidensiya ng paulit-ulit na judicial harassment laban sa mga nagtataguyod ng karapatang Katutubo.


Si Niezel Velasco (pang-apat mula sa kaliwa), ang kanyang abogado (pang-anim mula sa kaliwa), at mga kapwa tanggol-karapatan noong hearing ng kasong Estafa sa pangalan ni "Mary Jane Velasco" sa Quezon City Hall of Justice, ika-17 ng Hunyo, 2025.
Si Niezel Velasco (pang-apat mula sa kaliwa), ang kanyang abogado (pang-anim mula sa kaliwa), at mga kapwa tanggol-karapatan noong hearing ng kasong Estafa sa pangalan ni "Mary Jane Velasco" sa Quezon City Hall of Justice, ika-17 ng Hunyo, 2025.

Ang kaso ng estafa ay orihinal na isinampa laban sa isang indibidwal na nagngangalang Mary Jane Velasco. Ngunit sa kabila ng pagkakaibang ito, ang mga institusyong legal at pwersa ng estado ay maling itinuro si Niezel bilang akusado—isang sadyang maling pag-uugnay ng identidad na tumagal ng maraming taon. Si Niezel, ang kaniyang abogado, at mga organisasyong Katutubo ay iginigiit at tinututulan ang maling pagsangkot na ito. Hindi lamang walang batayan ang kaso, kundi napatunayang walang kakayahang umusad dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo ng nagrereklamo at kawalan ng ebidensiyang sapat, ayon na rin sa resolusyon ng korte.


Ang maling pag-uugnay na ito ay hindi simpleng kamalian ng sistema—ito ay tahasang pagsasamantala sa batas upang gipitin ang mga tagapagtanggol ng karapatan. Si Niezel ay napilitang dumaan sa mga pagdinig para sa kasong wala siyang kinalaman, bagay na labis nakaapekto sa kaniyang serbisyo at personal na buhay.


Ang maling kaso ng estafa ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng represyon. Noong Hulyo 16, 2021, sina Niezel at aktibistang Manobo na si Julieta Gomez ay inaresto sa isang joint police-military operation. Pinawalang-sala ng mga korte sa Mindanao ang mga gawa-gawang kaso ng murder at attempted murder noong 2022 at 2023. Matapos ang halos apat na taon ng hindi makatarungang pagkakakulong, pareho silang pinawalang-sala noong Abril 8, 2025, sa kasong illegal possession of firearms and explosives, bunsod ng kawalan ng sapat na ebidensiya at mga kapalpakan ng prosekusyon.


Sa kabila ng mga pagbasura sa mga naunang kaso, si Niezel ay patuloy pa ring humaharap sa ibang mga gawa-gawang kaso—unjust vexation at maltreatment—na nakasampa sa Antipolo Municipal Trial Court in Cities Branch 1, sa ilalim pa rin ng pangalan ni Mary Jane Velasco. Muli, maling iniuugnay ito kay Niezel, bagay na kailangang agarang itama.


Tubong Surigao del Sur, si Niezel ay matagal nang nagsilbi sa mga komunidad ng Lumad sa Mindanao. Bilang project officer ng Bread for Emergency Assistance and Development, Inc., siya ay naging bahagi ng mga relief at rebuilding efforts sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad. Mula 2017 hanggang 2018, siya rin ang naging provincial focal person ng National Anti-Poverty Commission – Local Affairs Coordinating and Monitoring Service, kung saan siya'y tumulong sa pagpapatupad ng mga programa para sa kabuhayan, pangangalaga sa dagat, at paghahanda sa sakuna sa Caraga at Siargao.


Mariing kinokondena ng Panaghiusa ang sistematikong pag-abuso sa ligal na identidad upang gipitin ang mga Katutubo at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Ang kaso ni Niezel ay halimbawa ng krisis sa sistemang ligal ng Pilipinas kung saan ginagamit ang batas upang patahimikin ang mga boses na humihiling ng hustisya.


Nananawagan ang Panaghiusa ng agarang pagkilala na si Niezel Velasco ay hindi dapat isangkot sa anumang kasong isinampa sa ibang indibidwal. Ang kasong estafa sa pangalan ni Mary Jane Velasco ay dapat lutasin nang tama nang hindi pinipilit si Niezel na humarap sa kasong wala siyang kinalaman. Ang mga kaso sa Antipolo na mali ring iniuugnay kay Niezel ay dapat itama upang maipakita ang tunay na pagkakakilanlan ng akusado.


Ang aming paninindigan: Tinututulan namin ang paggamit ng batas upang supilin ang mga Katutubo at mga tagapagtanggol ng karapatan. Sa gabay ng kolektibong adbokasiya, patuloy naming ipagtatanggol ang karapatan ng mga Katutubo sa lupang ninuno at sariling pagpapasya.

Nananawagan kami sa publiko, mga institusyon, mga kaalyado, at pandaigdigang komunidad: Itigil ang pagsangkot sa mga aktibistang tulad ni Niezel sa mga kasong hindi naman nila kinasasangkutan. Protektahan ang mga Katutubo at advocates mula sa panliligalig batay sa maling identidad. Ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. #



Sanggunian:


Rikki Mae Gono

Pambansang Tagapag-ugnay

Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights


Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page