Itigil ang mga operasyong militar sa Mindoro! Palayasin ang militar sa mga komunidad!
- Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan
- Mar 2
- 2 min read
Updated: Mar 4
Pagkatapos mailantad ang strafing na ginawa ng 76th IB sa Barangay Tagumpay at Barangay Misong sa Pola nitong nakaraang Pebrero, sinimulan muli ng 4th IB ang buwan ng Marso sa pamamagitan ng strafing at aerial bombing sa Sitio Lomboy, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Sunod-sunod ang walang-hiyang mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas ng 203rd IBde sa Mindoro!

Ayon sa ulat ng mga residente, ika-1 ng Marso, bandang alas-10 nang umaga nagsimula ang pagpapaputok mula sa dalawang helicopter sa Sitio Lomboy. Alas 2:30 nang hapon ay nagpalipad ulit ng mga helicopter sa parehong lugar upang magbagsak ng apat na bomba kasunod ang panibagong bugso ng strafing. Inabot ng mga aerial attacks na ito ang magkakatabing sitio ng Lomboy, Abaka, at Matarayo na mga pamayanan ng katutubong Mangyan-Hanunuo.
Tahimik pa rin ang Administrasyong US-Marcos-Duterte, at ang mismong NCIP, sa kaliwa't kanang paglabag sa karapatan ng mga katutubo sa Mindoro dulot ng paghahari-harian ng militar sa kanayunan. Tuloy-tuloy ang kanilang pagpapapasok sa mga dambuhalang proyekto na walang maayos na FPIC sa mga lupang ninuno ng Mangyan, kasama ng mga sundalo na nagsisilbing mga bayarang gwardiya ng malalaking negosyo ito, habang pilit na itinatago ang idinudulot nitong karahasan at panggugulo sa mga pamayanan ng mga katutubo at magsasaka sa Mindoro.
Samantalang ang NTF-ELCAC na isa sa mga nangunguna sa pagtulak ng mga di umanong kontra-insurhensiyang programa ay siya ring sumisira sa pagkakaisa ng mga mamamayan lalo na sa hanay ng mga katutubo. Ang matinding militarisasyon ang dahilan sa takot at trauma, at pagkasira ng lupang ninuno na sinasaklaw ang tirahan, kabuhayan, pagkain, at kultura ng mamamayang Mangyan.
Kami ay muling nananawagang kagyat na ipatigil ang mga operasyong militar sa Mindoro, at palayasin ang militar sa mga komunidad!
Igalang ang karapatan ng katutubong Mangyan sa mapayapang pamumuhay sa kanilang lupang ninuno!
Comments