Sa Buwan ng mga Katutubo, Panaghiusa nakipagpulong sa UN Country Team, diplomatic community
- Panaghiusa Philippine Network
- 5 minutes ago
- 3 min read
Bilang paggunita sa Buwan ng mga Katutubo, kami sa Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples' Rights ay nakipagpulong sa United Nations (UN) Country Team at ilang kinatawan mula sa mga embahada noong Oktubre 23, 2025 upang ipanawagan ang agarang pagtugon sa lumalalang kalagayan ng karapatang pantao ng mga Katutubo sa Pilipinas.

Lubos ang aming pasasalamat sa mga myembro ng Panaghiusa, na sa kabila ng panganib ay patuloy na nagpapakita ng matatag na dedikasyon at matapang na adbokasiya upang ilantad ang mga inhustisya laban sa mga Katutubo. Ang kanilang walang pagod na pagsusumikap na ipaglaban ang karapatan ng mga Katutubo sa gitna ng panunupil ng estado ay patunay ng lakas ng kolektibong paglaban at pagkakaisa.
Sa pakikipag-ugnayan sa UN Country Team at mga kinatawan ng mga embahada, binigyang-diin namin ang mga pagpaslang sa mga kabataang Katutubo sa Mindoro at Mindanao, pati na rin ang mga kamakailang mga kaso ng pagpatay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Kasama rin dito ang mga kaso ng sapilitang pagkawala at ang paggamit ng mga batas gaya ng Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act upang patahimikin ang mga nakikibaka. Mariin naming kinondena ang kriminalisasyon sa mga tagapagtanggol ng lupa na tumututol sa mga mapanirang proyekto gaya ng Crescent Mining sa Mankayan, at itinampok ang mga paglabag sa karapatan sa Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) at karahasang nakabatay sa kasarian.
Isiniwalat din namin kung paanong ang militarisasyon, na itinutulak ng Executive Order No. 70 at ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development, ay nagsisilbi sa interes ng kontra-insurhensiya at mga korporasyon. Nagdulot ito ng pambobomba, pagpapaputok, panliligalig, at red-tagging, kung saan ang mga institusyon gaya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at National Commission on Indigenous Peoples ay nagiging kasangkapan sa mga pag-abuso. Sa Lake Sebu, ang presensya ng mga kumpanya ng pagmimina at plantasyon ay direktang banta sa kaligtasan at kalusugan ng mga kababaihang Katutubo.
Isang araw bago ang pulong, lumahok ang aming network sa pagsasanay ng UN Office of the High Commissioner on Human Rights hinggil sa pakikipag-ugnayan sa mga internasyonal na mekanismo ng karapatang pantao, na lalong nagpapatibay sa aming kakayahang magtaguyod sa pandaigdigang antas.
Nanawagan kami sa UN at sa komunidad ng mga diplomatiko na suportahan ang aming mga agarang panawagan:
1. Igalang ang karapatan sa Free, Prior, and Informed Consent para sa lahat ng proyekto sa mga lupang ninuno.
2. Itigil ang militarisasyon, pambobomba, red-tagging, at pagtatalaga sa mga Katutubo bilang terorista.
3. Igalang ang karapatan ng mamamayan at Pandaigdigang Makataong Batas; tugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng mga solusyong pampulitika.
4. Buwagin ang NTF-ELCAC at ilaan ang multi-milyong pondo nito sa mga serbisyong panlipunan para sa mga Katutubo.
5. Ibasura ang Anti-Terrorism Law at EO 70; ipasa ang Human Rights Defenders Bill.
6. Ilitaw ang lahat ng biktima ng sapilitang pagkawala.
7. Wakasan ang karahasang nakabatay sa kasarian laban sa mga kababaihang Katutubo at mga batang babae.
8. Buwagin ang National Commission on Indigenous Peoples.
9. Muling ratipikahan ang Rome Statute upang muling maging kasapi sa International Criminal Court.
10. Maglabas ng mga pahayag ng pagkabahala kaugnay sa mga paglabag na ito.
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
Pambansang Tagapag-ugnay
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights

Comments