Panaghiusa kinokondena ang pagpatay sa magsasakang Manobo; nananawagan ng pananagutan
- Panaghiusa Philippine Network
- 6 days ago
- 2 min read
Mariing kinukondena ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ang pagpatay kay Elioterio Ugking, isang 25-taong gulang na magsasakang Manobo, sa loob mismo ng patrol base ng 9th Special Forces Company (SFC) sa Km. 9, Sitio Simowao, Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong Hunyo 6, 2025. Ang karumal-dumal na insidenteng ito ay sumasalamin sa patuloy na karahasang pinahihintulutan ng estado laban sa mga komunidad ng Lumad at nangangailangan ng agaran, malinaw, at makatarungang imbestigasyon.

Mariin naming tinututulan ang maling pahayag ng militar na aksidente lamang ang pagkamatay ni Ugking. Ayon sa mga kapwa niya detenido at sa kanyang pamilya, siya ay binugbog habang nakatali ang kanyang mga kamay. Ang tangkang pagpapatamihik ng 9th SFC sa pamilya ni Ugking sa pamamagitan ng pananakot at panunuhol ay nagpapakita ng sistematikong pagtatangkang hadlangan ang hustisya at pagtakpan ang katotohanan.
Hindi ito isang hiwalay na trahedya. Isa lamang ito sa sunod-sunod na mga pag-abuso ng estado laban sa mga Katutubo na buong tapang na ipinaglalaban ang kanilang lupang ninuno, pagkakakilanlan, at kolektibong karapatan. Hindi dapat maging kasangkapan ang sistemang pangkatarungan ng Pilipinas upang pagtakpan ang mga salarin—dapat itong magsilbing tagapagtanggol ng mga matagal nang inaapi at nilalabag ang karapatan.
Muling pinagtitibay ng Panaghiusa ang matatag nitong paninindigan laban sa lahat ng anyo ng paglabag sa karapatang pantao ng mga Katutubo. Ang aming network—binubuo ng mga organisasyong Katutubo at mga grupong sumusuporta—ay nagsusulong ng karapatan ng mga Katutubo sa kanilang lupang ninuno at sariling pagpapasya. Aktibo naming hinahamon ang mga paglabag sa karapatang pantao, militarisasyon, ligal na panunupil, at pagbura sa kultura.
Kaisa ng mga Katutubo at tagapagtanggol ng karapatang pantao, nananawagan ang Panaghiusa sa Commission on Human Rights at iba pang kaugnay na ahensya na magsagawa ng masusi, walang-kinikilingan, at independiyenteng imbestigasyon sa pagkamatay ni Ugking at sa mas malawak na konteksto ng pang-aabuso ng militar sa Lianga at mga karatig na komunidad.
Nanawagan din kami sa mga organisasyong sibiko at pandaigdigang kaalyado na palakasin ang panawagan para sa pag-pull out ng militar mula sa mga lupaing ninuno ng mga Katutubo at para sa hustisya sa mga komunidad ng Katutubo. Dapat tayong manindigan kasama ng mga komunidad ng Lumad na patuloy na lumalaban sa sapilitang pagpapalayas, pananakot, panunupil, at paglabag sa karapatang pantao.
Hustisya para kay Elioterio Ugking! Itigil ang militarisasyon sa mga komunidad ng Katutubo! Wakasan ang kultura ng kawalang pananagutan! Ipaglaban ang karapatan ng mga Katutubo!
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
Pambansang Tagapag-ugnay
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights
Comments