Nakikiisa ang Panaghiusa sa mga Katutubo ng Bugsuk, Palawan; agarang ilabas ang CADT
- Panaghiusa Philippine Network
- May 29
- 3 min read
Ang Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights ay mahigpit na nakikiisa sa mga Katutubo ng Barangay Bugsuk, Palawan. Sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, kinakaharap ng mga komunidad ng Katutubo ang parehong banta ng pagpapalayas at paglabag sa karapatang pantao. Bilang pambansang network ng mga Katutubong mamamayan mula sa iba’t ibang rehiyon, kami ay nagkakaisa upang ipagtanggol ang kolektibong mga karapatan ng mga Katutubo at suportahan ang kanilang laban para sa lupang ninuno at sariling pagpapasya.

Nagpapatuloy ang 24-oras na pagbabantay ng mga residente ng Sitio Marihangin upang ipagtanggol ang kanilang mga tahanan at lupang ninuno mula sa paulit-ulit na pagpasok ng mahigit 120 armadong pribadong guwardiya na sumakop sa lugar nang walang pahintulot, kaugnay ng pagkamkam ng lupa ng San Miguel Corporation. Ang marahas na okupasyong ito ay hindi lamang tahasang paglabag sa karapatan ng mga Katutubo sa kanilang lupang ninuno, kundi isang malinaw na tangkang palayasin at patahimikin sila.
Mariin naming kinokondena ang kasong grave coercion na isinampa laban sa 10 residente ng Sitio Marihangin ng dating Officer-in-Charge Executive Director ng NCIP, Atty. Caesar Ortega. Ayon sa ulat, ang mga kasong ito ay isinampa matapos ang pagbisita ni Ortega sa komunidad noong Hunyo 27, 2024, kung saan sinasabi ng mga residente na sinubukan niyang pilitin silang isuko ang kanilang lupaing ninuno kapalit ng halagang mula ₱75,000 hanggang ₱100,000.
Kinokondena rin namin ang gawa-gawang kaso laban ds lider-Katutubo na si Oscar “Tatay Ondo” Pelayo, na kamakailan ay kinasuhan ng illegal fishing na isinampa halos dalawang dekada na ang nakalilipas. Maliwanag na ang mga kasong ito ay ginagamit upang patahimikin ang mga lider ng komunidad na hayagang ipinaglalaban ang kanilang karapatan.
Nasa likod ng mga ito ang interes ng malalaking korporasyon na pinangungunahan ng Jewelmer Corporation at San Miguel Corporation. Ang mga korporasyong ito ay sumasalakay sa lupaing ninuno ng mga Katutubo sa Bugsuk para sa kanilang negosyo ng luho at eco-turismo.
Ang operasyon ng mga korporasyong ito ay nagresulta sa sapilitang pagpapalayas sa mga lokal na mangingisda, pagharang sa kanilang akses sa tradisyonal na pangisdaan, at ngayon ay nagbabantang paalisin ang natitirang 94 na kabahayan sa lugar. Pinagkaitan din ang mga magsasaka ng karapatang bungkalin ang kanilang mga sakahan mula nang bawiin ng Department of Agrarian Reform ang mga Notice of Coverage noong 2023.

Dalawampung taon na ang lumipas mula nang isinumite ng mga Katutubong Mamamayan sa Bugsuk, Palawan ang kanilang aplikasyon para sa Certificates of Ancestral Domain Title (CADT) sa tanggapan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Palawan, ngunit nananatiling nakabinbin ang mga ito hanggang ngayon.
Ang mga Katutubo ng Bugsuk ay patuloy na nakararanas ng marginalisasyon para bigyang-daan ang interes ng negosyo mula pa noong 1974, sa ilalim ng rehimen ni Marcos Sr., ama ng kasalukuyang pangulo.
Kaya’t nananawagan kami sa administrasyon ni Marcos Jr. na igalang at protektahan ang karapatan ng mga Katutubo sa kanilang lupaing ninuno sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon at agarang pagpapatigil sa mga mapaniil na proyektong “pagpapaunlad” na nagpapalayas at lumalapastangan sa karapatan ng mga komunidad ng Katutubo. Ipinanawagan namin ang agarang paglalabas ng kanilang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) at ang muling pagbabalik ng Notice of Coverage (NOC) noong 2014 para sa 10,821 ektarya.
Nananawagan din kami sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na gampanan ang inyong mandato sa pamamagitan ng pagbasura sa mga walang batayang kaso laban sa mga residente at pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga dating opisyal na sangkot sa pamimilit at pangangamkam ng lupa.
Dapat managot ang Jewelmer Corporation at San Miguel Corporation sa sapilitang pagpapalayas sa mamamayan ng Bugsuk at sa pagsasamantala sa kanilang lupaing ninuno. Ipinanawagan din namin ang agarang pag-pullout ng lahat ng armadong pribadong guwardiya at ang pagtatapos ng militarisasyon sa Sitio Marihangin.
Ang Panaghiusa Philippine Network ay nagpapatunay na hindi nag-iisa ang mamamayan ng Bugsuk sa kanilang laban, sapagkat kapwa pinagdaraanan ng mga Katutubong Mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa ang diskriminasyon at pagsasamantala mula sa estado at mga korporasyon. Ang pakikibakang ito ay lalong nagpapalalim sa aming pagkakaisa at nagpapatibay sa kolektibong laban para sa lupaing ninuno at sariling pagpapasya. #
Sanggunian:
Rikki Mae Gono
National Coordinator
Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples' Rights
Comments