Mga Katutubo, tagapagtaguyod ng karapatan, tagapagtanggol ng kalikasan inilunsad and "NO to Pax Silica"
- Panaghiusa Philippine Network
- 2 days ago
- 2 min read
Inilunsad ng mga Katutubo, mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao, mga lider ng simbahan, at mga tagapagtanggol ng lupa at kalikasan ang Network Opposed (NO) to Pax Silica, ika-31 ng Agosto, 2026. Ang koalisyong ito ay kumakatawan sa malawak na alyansa ng mga komunidad at organisasyon na nakikita ang inisyatibang Pax Silica bilang tuwirang banta sa mga lupang ninuno, ekolohikal na balanse, at batayang karapatan ng mga Katutubo at sovereign rights ng sambayanang Pilipino.
Ipinapahayag ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples Rights (Panaghiusa) ang pakikiisa nito sa kampanya, binibigyang-diin na ang laban ay hindi lamang pagtutol sa isang proyekto kundi pagpapatibay sa kolektibong karapatan ng mga Katutubo sa sariling pagpapasya, lupa, at kultura.

Sa gitna ng agresibong pagtutulak ng pamahalaan sa Pax Silica at Executive Order 122, isang kautusang ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagtatakda ng pambansang balangkas para sa pandarambong ng lupa para sa mga kritikal na mineral, patuloy na tumututol ang mamamayan sa Pax Silica Initiative.

Bagaman sinasabi ng EO 122 ang tungkol sa “responsableng pag-unlad” at “pambansang interes,” nagpapahayag ng pagkabahala ang Panaghiusa. Pinapabilis ng kautusan ang mga proyektong eksaktibo nang walang sapat na proteksiyon, tinatapakan ang karapatan ng mga Katutubo sa Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), at nanganganib na mapaalis ang mga komunidad mula sa kanilang lupang ninuno pabor sa interes ng malalaking minahan. Ang wika ng “pambansang prayoridad” na nakapaloob sa EO 122 ay maaaring gamitin upang balewalain ang pagtutol ng mamamayan sa mapanirang proyekto at pahinain ang mga proteksiyon sa kalikasan, na lalong nagpapahirap sa mga komunidad na ipagtanggol ang kanilang mga teritoryo.
Ang pagtutol sa Pax Silica ay nakaugat sa aktuwal na karanasan. Matagal nang pinasan ng mga Katutubo ang bigat ng operasyon ng pagmimina sa Pilipinas, mula sa pagkakalbo ng kagubatan at polusyon sa tubig hanggang sa militarisasyon at sapilitang pagpapalayas. Binibigyang-diin ng Panaghiusa na ang EO 122, sa pamamagitan ng mabilis na pagpapaunlad ng mineral, ay nanganganib na ulitin ang mga pattern na ito sa mas malawak na saklaw. Ang Pax Silica Initiative, partikular, ay nakikita bilang sagisag ng panganib na ito, sapagkat tinatarget nito ang mga lupang ninuno, na nagbabanta sa buhay, kabuhayan, pamana ng kultura, at biodiversity.

Ipinapaalala ng Panaghiusa na kinikilala mismo ng Konstitusyon ang mga karapatan ng mga Katutubo sa kanilang lupang ninuno, at pinagtitibay ng mga pandaigdigang balangkas kagaya ng United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples ang kanilang karapatan sa FPIC at sariling pagpapasya. Ang pagwawalang-bahala sa mga karapatang ito sa ngalan ng industriyal na paglago ay, sa kanilang mga salita, isang paglabag sa parehong batas pambansa at pandaigdigan.

Ang paglulunsad ng NO to Pax Silica ay kumakatawan sa kolektibong pahayag ng paglaban. Isa itong deklarasyon na ang mga Katutubo at kanilang mga tagasuporta ay hindi mananatiling tahimik habang ang mga polisiyang kagaya ng EO 122 ay nagbabanta na balewalain ang mga karapatang pinaghirapang ipaglaban. Nanawagan ang Panaghiusa sa mga grupong simbahan, civil society, at mga pandaigdigang organisasyon na suriin ang adyenda ng pagmimina ng gobyerno ng Pilipinas at panagutin ito sa pamantayan ng karapatang pantao. #

Comments