top of page
Search

Ang EDSA ay nasa Lansangan din ng Kordilyera hanggang Mindanao

  • Writer: Kabataan para sa Tribung Pilipino
    Kabataan para sa Tribung Pilipino
  • Mar 1
  • 2 min read

Updated: Mar 4

Sa ika-39 taon ng EDSA, marapat na iposisyon natin ang karanasan ng mamamayang katutubo at Bangsamoro sa Pilipinas bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng mga Pilipino na dumanas ng karahasan sa ilalim ng diktadurang Marcos at higit sa lahat, naging kontra-agos na puwersa na nagpahina rito.



Mula pa lamang sa kolonyalistang dayuhan hanggang sa itinatag na Republika ng Pilipinas, danas ng katutubo at Bangsamoro ang pang-aagaw at pag-angkin ng lupaing ninuno. Kaakibat nito ang diskriminasyon na naging balakid sa pag-abot sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, serbisyong kalusugan at disenteng pabahay. Walang ibang landas ang natitira para sa mga pambansang minorya, kung ‘di ang lumaban.

Sa Kordilyera, nagsilbing simbolo ng matatag na pagdepensa sa lupang ninuno ang mga Kaigorotan na kumaharap sa bantang pagpapalayas dahil sa Chico River Development Project (CRBDP) na pinopondohan ng World Bank. Sa pamumuno ni Macli-ing Dulag mula sa tribung Butbut, tinutulan ng maraming komunidad ang Chico River Dam dahil maaari nitong palubugin ang mga barangay sa Kalinga, Mountain Province, at Apayao. Dahil sa kanilang organisadong pakikibaka laban sa militarisasyon, umatras ang World Bank sa pagpopondo.


Sa Mindanao, mula 1972-1986, lumikha at nagtaguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang mga Moro para sa pagpapasiya-sa-sarili at pakikibaka laban kay Marcos. Sa halip na tugunan ang daing ng mga mamamayang Bangsamoro sa pagkamit ng kanilang karapatan at mga serbisyong sosyal, pinaigting pa ng ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Constabulary (PC) at ng mga paramilitar ang kanilang atake sa Moro National Liberation Front (MNLF) at Bangsamoro Armed Forces (BSA). Dahil sa hindi paggalang ng estado sa batas ng digmaan, tinatayang 250,000 mamamayan ang nasawi. Umabot din sa isang milyong Internally Displaced Persons (IDP) ang naging resulta ng bigwas ng estado. Lalo lamang nagtibay ang paninindigan ng mga Bangsamoro na hindi kinikilala ang kanilang karapatan, at bagkus makatwiran ang lumaban.


Kay raming kuwento’t naratibo pa ng mga pambansang minorya ang kinakailangan nating patingkarin sa pagbabaybay ng kasaysayan, lalo na’t malaki ang naging papel sa pagpapabagsak ng diktadurang Marcos. Niyanig at tinakot nila si Marcos dahil ang mga katutubo at Bangsamoro ay hindi nadadala sa manipulasyon, nabibili ng pera, o napapaatras sa porma ng dahas. Ang pambansang minorya ay lumalaban, tinitindigan ang kanyang karapatan.


Isabuhay ang diwa ng EDSA! Lupang ninuno, depensahan, ipaglaban!


Comments


© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page