top of page

Nilukot ng Panunupil, Bitbit ng Paglaban

Panaghiusa

Jul 31, 2025

Nandoon ako nang tipunin ang mga katotohanan. Hawak ko ang mga pahayag ng mga grupong pangkarapatang pantao, mga mosyong legal, at testimonya ng mga saksi. Peke ang ebidensiya. Pulitikal ang mga paratang. Ilegal ang pagkakaaresto—isang pagsisikap na patahimikin ang pakikibaka ng mga Katutubo.

[ENGLISH] Creased by Repression, Carried by Resistance



Nagsimula ito sa tahimik na madaling araw.


Isang raid. Hulyo 16, 2021. Inaresto ng pinagsamang puwersa ng pulisya at militar sa Quezon City sina Julieta Gomez, isang aktibistang Manobo, at si Niezel Velasco, isang Indigenous Peoples’ rights advocate. Ang mga kasong isinampa sa kanila ay murder, attempted murder, at illegal possession of firearms and explosives. May ilang midyang sumunod sa salaysay ng estado. Ipinakalat ang mga larawan ng mga baril, granada, at bandila ng New People's Army. Ayon sa mga opisyal, sila raw ay mataas na opisyal ng rebeldeng grupo. Ngunit alam ng mga nakakakilala sa kanila ang katotohanan.


Si Julieta, mula sa Agusan del Sur, ay matagal nang nakikibaka para sa karapatan sa lupang ninuno laban sa pagmimina at militarisasyon. Miyembro siya ng KASALO Caraga at council member ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas. Pinamunuan niya ang mga kampanya para sa karapatan ng Katutubo at nagsagawa ng mga aktibidad para sa komunidad. Nagturo rin siya sa mga paaralang Lumad at naging tagapamahala sa National Anti-Poverty Commission (NAPC) sa lalawigan. Ang kanyang gawaing pangkomunidad ay nakaugat sa kolektibong paglaban.


Hindi rin bago kay Niezel ang mga komunidad na kanyang pinagsilbihan. Ilang taon siyang nagbigay ng agarang tulong sa mga Lumad sa Mindanao. Pinangunahan niya ang pagtugon sa mga sakuna matapos ang mga bagyong Yolanda, Sendong, Pablo, Seniang, Auring, at Basyang. Bilang dating community organizer ng NAPC, isinulong niya ang proteksyon ng mga marine sanctuary at kabuhayan para sa mga mangingisda sa Caraga. Tinuruan niya ang mga komunidad tungkol sa paghahanda sa kalamidad.


Nandoon ako nang tipunin ang mga katotohanan.


Hawak ko ang mga pahayag ng mga grupong pangkarapatang pantao, mga mosyong legal, at testimonya ng mga saksi. Peke ang ebidensiya. Pulitikal ang mga paratang. Ilegal ang pagkakaaresto—isang pagsisikap na patahimikin ang pakikibaka ng mga Katutubo. Naganap ang raid ala-1:30 ng madaling araw sa Barangay Pansol. Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group, nakakita raw sila ng mga baril, granada, at libu-libong bala. Ngunit natagpuan ang mga ito matapos ma-posasan sina Julieta at Niezel. Kita ang mga kabalintunaan.


Lumipat-lipat ako sa mga opisina, komunidad, forum, at piitan. Bitbit ko ang pangalan ng mga inosenteng inaakusahan, ang mga salungat sa pahayag ng pulisya, at ang panawagan ng pagkakaisa. Namasdan ko ang lungkot ng mga nakakaalam na ito'y hindi lang kasong legal—ito'y atake sa bawat tagapagtanggol ng karapatan ng Katutubo.


At pagkatapos, ako'y iniangat.


Naramdaman ko ang hangin at araw. Narinig ko ang mga sigaw sa protesta. Itinaas ako, ipinakita sa mundo. Hindi na tahimik ang mga salitang nasa ibabaw ko—mga pahayag na sila. Nasa lansangan ako, kasama ang mga hindi pumapayag na patahimikin.


Kasama ko ang iba—mga larawan ng nawawala, pangalan ng mga ilegal na nakapiit, mga panawagan para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal at pananagutan ng mga lumalabag sa karapatang pantao. Narinig ko ang tinig ng mga Katutubo, aktibista, at mga tagapagtanggol ng karapatan: Makibaka! Huwag matakot!


Naramdaman ko ang panginginig ng mga kamay na humawak sa akin, hindi dahil sa takot kundi sa tapang. Iwinagayway ako sa ulan, kinunan ng litrato, ibinahagi sa social media. Hindi na lamang ako tala ng kaganapan; ako'y naging bahagi ng paglaban.


Kahit matapos ang pag-absuwelto kay Niezel noong Abril 2025, nanatili akong malapit sa laban.Ibinasura ng korte ang kasong ilegal na pag-iingat ng baril at pampasabog dahil sa kawalan ng ebidensiya. Nauna nang ibasura ang mga kasong pagpatay sa Surigao del Sur at Agusan del Norte noong 2022 at 2023. Pero hindi pa natapos ang panggigipit.


May bagong kasong isinampa: estafa, unjust vexation, at maltreatment, gamit ang pangalang "Mary Jane Velasco," isang taong hindi kilala ni Niezel. Sa kabila ng paulit-ulit na paglilinaw, itinuloy pa rin ng mga awtoridad ang mga kaso laban sa kanya. Noong Hunyo 25, 2025, ibinasura ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34 ang kasong estafa sa kawalan ng merito. At noong Hulyo 31, 2025, tuluyang ibinasura ng Antipolo Municipal Trial Court ang natitirang mga kaso. Kinilala ng korte ang matagal nang iginiit ng mga Katutubo—hindi sa kanya ang mga kasong iyon. Hindi ito simpleng pagkakamali; ito ay taktika ng panunupil.


Hindi lang ito tagumpay sa korte, kundi patunay ng kolektibong paglaban. Ang mga taon ni Niezel ng pagtulong sa mga Lumad ay ginawang krimen ng sistemang natatakot sa sama-samang pagkilos. At patuloy ang laban, kahit matapos na ang huling kaso.


Naroon ako sa katahimikan at kaguluhan, sa dalamhati at pagtutol.


Bitbit ko ang mga katotohanang sinikap ilibing ng mga institusyon. Dumaan ako sa mga linya ng protesta, sa mga hukuman, sa mga pamayanan. Markado ako ng tinta, ng tape, ng fingerprint. Ako'y napilas, itinupi, isinabit, ngunit hindi kailanman itinapon.


Ngunit papel lamang ako—nilukot ng panunupil, bitbitng paglaban. Ako'y isinulat sa mga affidavit, idinikit sa mga plakard ng protesta, ipinasa mula sa kamay-kamay. Bitbit ko ang galit ng mga Katutubo, ang lakas ng mga lumalaban. Inabsorb ko ang diwa ng mga aktibistang handang arestuhin para lang magsalita. Itinaas ako sa lansangan, nabasa ng ulan, nanginginig sa paglalaban. Tumindig ako sa labas ng kampo, sa loob ng korte, dala ang mga pangalang pinatahimik ng estado. Naka-ukit na sa akin ang kanilang mga kwento. At gaya nila—hindi ako makalilimot. #

© 2022 by Panaghiusa Philippine Network. Website designed by Dania G. Reyes.

bottom of page