top of page
Search
  • Writer's pictureKabataan para sa Tribung Pilipino

PALAYAIN SINA ISMAEL AT MAWING PANGADAS!



Pauwi galing SONA ng Bayan noong Hulyo 25 upang ipahayag ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Lumad, iligal na inaresto ng kapulisan at pinagkaitan ng due process ang magkapatid na sina Ismael Pangadas at Mawing Pangadas.


Sina Ismael, 22 taong-gulang, at Mawing, 19 taong-gulang, ay mga kabataang Lumad na naging mga mag-aaral din ng Lumad bakwit school noong 2019-2021 matapos atakihin at ipasara ng administrasyong Duterte ang paaralan sa kanilang komunidad. Bago pa ang iligal na pag-aresto sa kanila ay nakaranas na sila ng iba't iba pang porma ng mga atake, katulad na lamang noong iligal na ni-raid ng mga pulis ang bakwit school Cebu noong ika-15 ng Pebrero 2021 kung saan 7 indibidwal na binubuo ng mga guro, estudyanteng Lumad, at Datu ang inaresto, na sinundan naman ng pagdetina sa 19 pang menor-de-edad. Hanggang sa pagmasaker sa New Bataan 5 noong Pebrero 24, 2022, na kinabibilangan ng 2 pa nilang gurong sina Chad Booc at Jurain Ngujo II.


At hindi rito tumitigil ang estado. Matapos ipasara ang lahat ng paaralang Lumad, pagpapatuloy ng pananakot, intimidasyon, at iba pang uri ng karahasan, may inaresto na namang mga kabataang Lumad — ito ang tunay na kalagayan ng mga katutubong komunidad sa ating bansa.


Tahasang kinokondena ng Kabataan para sa Tribung Pilipino ang iligal na pag-aresto kina Ismael at Mawing Pangadas. Isang buwan pa lamang mula nang maluklok sa pwesto ang rehimeng Marcos-Duterte ay target na agad ng pasismo ang sektor ng pambansang minorya. Noong Hulyo 17 lamang ay iligal ding inaresto ang isang gurong Lumad na si Gary Campos, at ngayon nama'y mga estudyanteng Lumad.


Kung ganito na ang dinaranas ng mga kapatid nating katutubo ngayon pa lang ay tunay na wala tayong maaasahang mabuti at maayos na pamamahala mula sa administrasyong Marcos-Duterte. Ipagpapatuloy lamang nila ang pasista, tiraniko, at diktaduryang pamumuno ng kanilang mga ama.


Kaya ating tuligsain ang mga atakeng ito! Sabay-sabay nating ipanawagan ang pagpapalaya kina Ismael at Mawing Pangadas, kasabay ng pagpapalaya kay Gary Campos! Tigilan ang mga atake sa hanay ng mga katutubo at Moro!


bottom of page